MARAMING overseas Filipino workers (OFWs) ang nagpa-register para makaboto sa 2010 presidential elections. Hindi raw makapaniwala ang Comelec na maraming OFW ang gustong makilahok sa pagpili ng bagong pinuno next year.
Malaki ang pagkakaiba ngayon kaysa noong dalawang nakaraang eleksiyon. Kaunti lang noon ang nagpatalang Pilipino overseas absentee voters. Ngayon ay marami nang Pinoy overseas ang nais makabito. Dahil siguro ito sa Dual Citizenship Act na ipinasa ng Kongreso.
Abala ang mga Pinoy organisasyon dito sa US upang tulungan ang Pil-Ams na magpa-register para makaboto. Hindi na ngayon mahirap kumbinsihin ang mga Pinoy sapagkat marami na sa kanila ang nag-Pilipinong muli nang ipagkaloob ang Dual Citizenship Act.
Nalaman kong kaya maraming OFW ang nais bumoto ngayon ay dahil:
Hindi nila maitatatwa ang pagmamahal sa Pilipinas. Nais nilang ang Pilipinas ay nasa magandang kalagayan dahik balak nilang dito muling manirahan sa kanilang pagreretiro. Naghihirap ang kanilang kalooban sa nangyayari sa Pilipinas dahil sa kapabayaan ng mga namumuno.
Ngayong may karapatan nang pumili ng kandidato ang mga OFW, ayaw na nila itong pakawalan. Hinihikayat din nila ang mga mahal sa buhay at mga kaibigan na huwag nang magpaloko sa mga kandidato sa 2010.