ANG dumating sa bansa si dating police officer Cesar Mancao, kapuna-puna na may suot siyang bullet-proof vest at malikot ang kanyang mga mata habang papalabas ng airport patungo sa naghihintay na sasakyan. Ang National Bureau of Investigation (NBI) ang sumundo sa kanya sa United States. Alam ni Mancao na anumang oras ay maaaring may bumaril sa kanya. Si Mancao ay dating miyembro ng Presidential Anti-Organize Crime Task Force (PAOCTF) na nasa ilalim naman ni Panfilo Lacson, PNP chief noon. Si Mancao ay suspect sa pagdukot at pagpataty kay PR man Salvador “Bubby” Dacer at driver na si Emmanuel Corbito noong November 2000.
Nang dumating din si dating police officer Glenn Dumlao, naka-bullet proof vest din siya. Si Dumlao ay isa rin sa mga suspect sa Dacer-Corbito. Ang isa pang police officer na sangkot sa Dacer-Corbito murder ay si dating police supt. Michael Ray Aquino. Nakakulong siya sa US dahil sa espionage.
May katwirang magsuot ng pananggalang sa katawan sina Mancao at Dumlao sapagkat maaari silang patayin. Sila ang mga susi sa Dacer-Corbito at kapag nagtagumpay na sila ay mawala, mahihirapan nang umusad ang kaso o maaaring hindi na malutas.
Noong Miyerkules ng madaling araw, isang witness sa Dacer-Corbito ang pinagbabaril hanggang mapatay sa loob ng kanyang inuupahang bahay sa Trece Martires City. Ang napatay ay si Jimmy Lopez, dating civilian agent ng PAOCTF. Napatay din naman ang kasamang babae ni Lopez. Maka-raan ang pagpatay tumakas sakay ng motorsiklo ang mga suspect.
Naganap ang pagpatay isang araw bago huma-rap sa Department of Justice si Lopez para patotohanan ang kanyang testimonya. Umano’y sa bahay ni Lopez dinala sina Dacer at Corbito makaraang dukutin. Marami umanong alam si Lopez sa nangyaring krimen.
Sino pang witness ang patatahimikin? Dapat madakip ang pumatay kay Lopez at kasama nito para magkaroon ng liwanag ang kaso. Dapat din namang bantayang mabuti ng awtoridad ang mga witness para hindi sila matulad kay Lopez. Kung hindi ba bantayan, malamang maubos na ang mga testigo at wala nang kahantungan ang Dacer-Corbito case.