Sa tahanang pawid

Agosto primero, 4:00 ng umaga

malakas ang ulan at humahangin pa;

Ako ay nagbangon puso’y nangangamba

baka bahay namin tangayin ng baha!

Nang bago matulog sa radyo’y narinig

may bagyong daraan sa lubhang malapit;

Sa aming tahana’y pumasok ang lamig

ako’t ang misis ko’y biglang naligalig!

Pupungas-pungas pang ako ay bumangon

sumilip sa labas – kay dilim na ngayon;

Humahagupit na ang bagyo sa nayon

kaya sa paglabas ay nag-urong-sulong!

Sa dakong ibaba ay aking narinig –

pagguho ng lupang malapit sa batis;

Sa mga tahanang doon ay malapit

narinig ko na lang sigawa’t panangis!

Mga kapitbahay gusto kong tulungan

pero ang pamilya’y di ko maiwanan;

Si misis at bunso ay nag-iiyakan

maliligtas ako sila ay lilisan!

Nang magliwanag na ay aking nakita

mga kapitbahay ay nagungulila;

Naglaho nang lahat mga bahay nila

nalubog sa lupa’t inanod ng baha!

Kay saklap ng buhay na aming sinapit

dahil sa dalitang lagi nang kaniig;

Kung kami’y mayaman ay di magtitiis

magtayo ng bahay sa mga dalisdis!

Bakit kaya bakit ganito ang buhay

may taong mahirap may taong mayaman?

Silang masalapi’y matatag ang bahay –

samantalang kami’y pawid ang tahanan?

Kami’y tinatawag na mga squatter –

na nangakatira sa bahay na pawid;

Mga bahay nami’y sakmal ng panganib

kaya buhay nami’y madaling mapatid!

Show comments