UNTI-UNTI nang humuhupa ang galit ng mga Pinoy kay President Arroyo dahil sa paggastos ng $20,000 sa Le Cirque Restaurant sa New York at $15,000 sa Bobby Vans Steakhouse sa Washington noong July 30 matapos makipag-meeting kay US President Barack Obama. Ang hapunan sa Le Cirque ay pinaputok ng isang columnist sa New York Post. Parang apoy na kumalat ang paglapang sa restaurant at siyempre ang paglaspag ng pera na diumano’y salapi raw ni Juan dela Cruz. Noong Miyerkules ay maraming militanteng estudyannte ang sapilitang pumasok sa Malacañang at kinokondena ang paggastos sa masagang hapunan.
Subalit sa paniwala ko, mapapawi rin ang galit at hi-hina nang hihina ang boses ng mga nagrereklamo sa nasabing magarbong hapunan. Siguro ay dahil sa pag-amin nina Leyte Rep. Martin Romualdez at Quezon Rep. Danilo Suarez na sila ang nagbayad sa kinain nina GMA at entourage. Tapos na roon ang istorya. Sa unang silakbo lang masyadong mainit ang mga protesta at makaraan ang ilang araw ay malamig na.
Ang ugali kasi ng mga Pinoy ngayon, sa umpisa lamang galit na galit pero madali ring nawawala. Hindi katulad noong panahon ni dating President Ferdinand Marcos na nagkapit-bisig at nagkaisa hanggang sa mapatalsik nila ito sa puwesto. Kung siguro ay hindi madaling mawala ang galit, baka marami nang people power ang naganap sa EDSA. Baka meron nang EDSA 3 at napatalsik na si GMA dahil sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan niya at kanyang pamilya. Kung hindi madaling mawala ang galit ng mga Pinoy, baka wala na siya sa posisyon. Masuwerte siya sapagkat siyam na buwan na lamang ang nalalabi at tapos na ang kanyang term.