SA mga kongresistang laging kasama ni President Arroyo sa kanyang mga biyahe, si Quezon Rep. Danilo Suarez lang yata ang pinakamaalalahanin, pinakamatapat at pinakamabait. Paano’y siya ang bumalikat ng hapunan nila sa Bobby Van’s Restaurant sa Washington D. C. Bagamat nakalipas pa ang ilang araw bago nagtapat si Suarez na siya ang nagbayad ng $15,000 sa restaurant, maituturing na mabait pa rin siya sapagkat umamin sa totoong mga nangyari. Habang ang ibang Cabinet member ay patuloy na inililigaw ang taumbayan sa masaganang hapunan, hindi na nakatiis si Suarez at inaming siya talaga ang nagbayad. Ang marangyang pagkain nina Mrs. Arroyo at mga kasama sa Bobby Van’s ay nalathala naman sa Washington Post.
Ayon kay Suarez, wedding anniversary ni President Arroyo at First Gentleman Mike kaya siya ang bumalikat sa hapunan sa Bobby Van’s. Ang hapunan umano ay naganap makaraang makipag-meeting ang Presidente kay US President Barack Obama. Bukod sa steak at lobster, umorder sila nang mamahaling alak sa restaurant.
Pero ngayon, may sumisingaw na balita na kaya pala masyadong mabait at maalalahanin ang congressman kay Mrs. Arroyo ay dahil meron siyang hinihinging pabor. Ito raw ay para mapadaling aprubahan ang aplikasyon ng kanilang pamilya sa P1-bilyong loan sa Development Bank of the Philippines. Pero ang balitang ito ay agad na pinabulaanan ni Suarez. Hindi raw porke at siya ang nagbayad sa Bobby Van’s ay mayroon siyang hinihinging pabor. Inamin naman ni Suarez na talagang nangungutang ang kanilang family corporation sa ilang banko at kabilang diyan ang Development Bank of the Philippines.
Mainit ang kontrobersiya sa magastos na biyahe ni Mrs. Arroyo at pinagdududahan kung sino ba talaga ang gumagastos sa kanilang pangangailangan habang nasa ibang bansa. Noong isang araw, nabuking na sumobra ng P1-bilyon ang nagastos sa biyahe ng Arroyo administration. Ilang linggo nang nagpupuyos ang mamamayan dahil sa magastos na pagkain at kamakalawa, nagkaroon pa nang kaguluhan sa Malacañang nang sapilitang pumasok ang mga militanteng estudyante.
Hindi rin naman maiaalis na magduda ang mamamayan kung bakit ganoon na lamang kagalante ang mga kasamang mambabatas ni Mrs. Arroyo. Maaa-ring isipin nga na meron silang hinihinging pabor. Madalas na ang pagsisipsip ay may hinihinging kapalit.