Ipinahiwatig kahapon ni Land Transportation, Franchising and Regulatory Board Chairman Albert Suansing na ganap nang ipagbabawal sa Enero ng susunod na taon sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue sa Metro Manila ang mga pampasaherong jeepney. Inaasahan na kasing, sa buwang iyon, kunektado na sa isa’t isa ang Light Rail Transit 1 na bumabagtas sa Taft Avenue at Rizal Avenue sa rutang Baclaran-Monumento at ang Metro Rail Transit 3 na bumabagtas naman sa EDSA sa rutang Pasay City-Quezon City.
Hindi lang ito ang unang pagkakataon na naungkat ang usapin ng mga pampasaherong jeepney na nais ipagbawal hindi lang sa EDSA kundi sa iba pang mga lansangan sa buong bansa. Matagal na itong pinagdedebatihan ng mga opisyal ng gob- yerno at iba’t ibang sektor. Isa sa idinadahilan sa panukalang ito ang umano’y abuso ng ilang jeep-ney driver o ang pang-aabala ng mga ito sa daloy ng trapiko.
Kung mawawala ang mga jeepney, saan kukuha ng kabuhayan ang mga driver nito? Saan sila maghahagilap ng ipapakain sa kanilang mga pamilya? Madadagdag lang sila sa milyun-milyong Pilipinong walang trabaho.
Bukod dito, ang jeepney ang sasakyang inaasahan ng mga Pilipinong walang kakayahang bumili ng kotse o sumakay sa taxi para makarating sila sa kanilang destinasyon.
Pero, habang nagsisikap ang ating bansa na umunlad, unti-unti rin nitong natitikman ang mga makabagong uri ng transportasyon tulad nga ng MRT at LRT na mas maraming pasahero ang naisasakay at nakakatulong sa pag-ibsan ng trapiko sa kalakhang Maynila. Ito ang isang uri ng sinasabi sa ingles na mass transportation na isa ngang solusyon sa pagsisikip ng trapiko bukod sa tipid pa ito sa gas.
Dahil nga sa mga kumplikasyon sa pagbabawal sa mga pampasaherong jeepney, dapat ding isaalang-alang ang karapatan ng mga driver na mabuhay. Sana ay mabigyan sila ng alternatibong kabu- hayan kung sakaling ganap nang igagarahe ang kanilang sasakyan. Bukod dito, hindi lahat ng pasahero ay nangangailangan ng LRT at MRT sa kanilang pupuntahan. Limitado lang ang ruta nito. Hindi na-papasok ng mga ito ang mga maliliit na kalsada.