MAY panukalang gawing Pres. Cory Aquino Avenue ang Epifanio De los Santos Avenue (EDSA) bilang pagkilala sa kauna-unahang babaing lider ng Pilipinas. Magandang panukala ito lalo at ang makasaysayang EDSA People Power 1 revolution ay dito naganap. Ang EDSA ay dating Highway 54 at umaabot mula Monumento, Caloocan hanggang Taft Avenue, Pasay City.
Pero mas gaganda ang highway na ito kung babawasan ang mga “killer bus” na yumayaot dito. Mas magiging angkop sa iniwang alaala ni Cory kung mababawasan o tuluyan nang mawawala ang mga “killer bus” na banta sa buhay ng mga pasahero, motorista at iba pang taong gumagawi sa kalsadang ito. Bago palitan ng pangalan, siguruhin munang wala na ang mga “killer bus”.
Marami nang namatay sa kalsadang ito at kadalasan ay kagagawan ng mga bobo, iresponsable at walang disiplinang bus driver. Noong hapon ng Lunes, nadagdagan na naman ang namatay sa EDSA at siyempre pa ang may kagagawan ay “killer bus”. Tuma tawid sa pedestrian lane sa tapat ng Camp Crame ang mag-ina nang sagasaan ng Jell Transit Bus na may plakang TXG 943 na minamaneho ni Mario Villamar, 54. Sa lakas ng pagbangga ay namatay on the spot ang bata samantalang ang ina ay naputulan ng braso. Ayon sa report, mabilis ang takbo ng bus sapagkat nakikipag-agawan sa pagpik-ap ng pasahero. Hindi umano nakita ang mag-inang tumatawid.
Halos sa lugar ding iyon naganap ang malagim na aksidente kung saan isang doctor ang namatay matapos banggain ng isang nagmamadaling bus ang sinasakyang Mercedes Benz noong nakaraang taon. Sa lakas ng pagbangga ay nagpaikut-ikot ang Benz hanggang magliyab at hindi na nakalabas ang doctor. Nasundan pa nang maraming aksidente ang pangyayaring iyon.
Kamakailan, sinabi ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na babawasan na nila ang mga bumibiyaheng bus sa EDSA. Masyado raw pabigat sa trapik ang mga bus na wala namang laman pero takbo nang takbo sa EDSA. Okey ang ideya pero sana idagdag na dahilan kung bakit aalisin ang mga bus sa EDSA ay sapagkat banta na sa buhay ng mga pasahero at motorista. Idagdag pa na ang mga bus na ito ang nagdudulot ng grabeng air pollution.