NIYAYANIG ng katiwalian ang isang munting bayan sa Iloilo. Maliit lang ang halaga kumpara sa ibang eskan-dalo, pero lalantad sa buong Pilipinas kung paano pinampopolitika ang congressional pork barrel. Maglaan man ng P22-bilyon pork taun-taon, hindi rin uunlad ang bansa. Karamihan kasi ng pondo ay napupunta hindi sa proyekto kundi sa bulsa ng politiko.
Sa ulat, tumanggap si Pavia municipal mayor Arcadio Gorriceta ng “komisyong” P250,000 mula sa kanyang congressman. Umoo lang siya kay noo’y-Rep. Augusto Syjuco na idaan sa munisipyo ang P5-milyong pork release. Matatapos na nu’ng Hunyo 2004 ang ikalawang termino ni Syjuco pero may natitira pang pork funds “pang-edukasyon” sa 2nd district. Umamin si Gorriceta na kinumbinsi siya ng mambabatas na umaktong tagaba-yad ng P5-milyong pork sa Tagipusuon Foundation. Binanggit umano ni Syjuco na ipagkakaloob sa kanya ang limang porsiyento.
Sa utos ni Syjuco nag-memo of agreement si Gorriceta at foundation. Installment ang pagbayad ng munisipyo ng P5 milyon ni Syjuco, batay sa delivery ng foundation ng school uniforms at bags. Nang maibayad nang buo ang pork barrel, nagdala ng tseke kay Gorriceta ang foundation head na si Timoteo Salvilla nu’ng Dec. 2004. Nakasulat ang halagang P250,000, pero blanko ang payee. Ani Gorriceta, sinabi ni Salvilla na ‘yun na ang ipinangako ng boss niya na limang porsiyento ng P5 milyon.
Tinanggap ni Gorriceta ang tseke, pero ibinigay sa tresurero ng munisipyo. Niresibuhan ang foundation para sa “financial assistance.” Katiwalian ang naganap, sigaw ni Iloilo provincial administrator Manuel Mejorada, na kaaway sa pulitika nina Syjuco at Gorriceta. Umano, nanuhol ang una, at tumanggap ang huli. “Blanko ang pangalan sa tseke, at ito’y pansuhol,” ani Mejorada. Ang pag-amin ng “komisyon” mula sa pork barrel project ang naglantad umano ng ilegal na intensiyon.
SOP sa pork releases ang “komisyon.” Binubul-sa ng congressmen ang pork barrel. Pumopronta ang mga mayor, kapalit ang parte mula rito.