NO one dies in vain.
Naniniwala ako na ang pagkamatay ni dating Presidente Corazon C. Aquino ay magdudulot ng positibong resulta sa halalang pampanguluhan sa Mayo 2010.
Sabi ng iba, nawalan ng importanteng haligi ang demokrasya sa pagpanaw ni Mrs. Aquino. Mali. Sa totoo lang, ngayon lalung naitayong ang haligi ng demokrasyang ito sa pagkamatay ng dating Pangulo.
Nakikita natin sapul nang mamatay ang dating Pangulo noong Sabado ang pagbangong muli ng diwa ng EDSA na simbolo ng nasyunalismo at pag-ibig sa bayan. Ang ibig sabihin, ang sambayanan ay lalung magiging mapagmatyag upang siguruhin na walang madaya at tiwaling politiko ang makalulusot sa 2010 elections. Wika nga ng isang advocacy group: Dapat Karapatdapat.
Ang sabi nga sa aklat ni Juan: Matangi na lang kung mahulog sa lupa at mamatay ang butil ng trigo, hindi ito tutubo at yayabong at mamumunga ng sagana.
Kung papaanong naging makabuluhan ang pagkamatay ni Benigno S. Aquino Jr., ganoon din kasing-kabu-luhan ang pagpanaw ng asawa niyang si Cory.
Sabi nga ni Bro. Eddie Villanueva ng Bagong Pilipi-nas, Bagong Pilipino Movement kay Cory:
“Her good courage and integrity gave us back the will to believe in our collective power as a people to institute a national change that seemed an utter impossibility then.”
Hindi si Cory ang iniidolo natin kundi ang mga prinsipyong kanyang pinaninindigan. Maaaring naging kapos siya sa kakayahang bilang administrador pero ang importante ay napagbuklod niya ang mamamayan sa iisang layuning buwagin ang diktaduryang sumiil sa demokrasya sa loob ng mahabang panahon.
Wala rin siyang ipinakitang pagkagahaman sa kapangyarihan kahit marami ang umuudyok sa kanyang palawigin pa ang kanyang termino.
Providential ang pagkamatay ni Cory sa panahong nag-uuminit ang lagnat-pulitika sa bansa. Pagunita ito sa lahat ng Pilipinong nagmamalasakit sa ating Inambayan na magkaisa tungo sa pagkakaroon ng isang administrasyong matuwid at may takot sa Diyos gayundin ng kakayahang paigihin ang kalagayan ng bawat mamamayang Pilipino.