SA Agosto 15, 2009 magkakabisa ang Executive Order 821 na nag-uutos ibaba ng 50 porsiyento ang presyo ng mga gamot. Ipinalabas na ng Department of Health ang mga gamot na nakapaloob sa Maximum Drug Retail Price (MDRP). Kabilang sa mga gamot na may 50 percent cut ay ang para sa high blood pressure, anti-cholesterol at anti-cancer. Ang paglagda sa EO ay ginawa ni Mrs. Arroyo, isang araw makaraan ang kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes. Sa kanyang SONA, ipinagmalaki ng Presidente ang mga pagsisikap para lubusang mapababa ang presyo ng mga gamot. Karugtong ng kanyang pagmamalaki sa isyu ng mga gamot, pinasaringan naman niya ang kanyang mga kritiko na wala namang nagagawa para pababain ang mga ga- mot at sa halip sumasakay lang sa isyu. Sapol sa banat niya si Senador Mar Roxas na aktibo ang kampanya para sa mababang gamot para sa mahihirap. Tatakbo si Roxas sa 2010 elections.
Bagamat hindi lahat ng mga gamot na inilista ng DOH ay naibaba ang presyo, malaking tulong sa mga mahihirap na maysakit ang pagbaba ng mga gamot. Nakapagtataka rin naman na sa dami ng mga inilista ng DOH ay 21 lamang na mga gamot ang ibababa ang presyo. Hindi malinaw kung bakit may mga gamot din na kailangang-kailangan ng mamamayan na hindi naisama at kabilang diyan ang para sa tuberculosis. Ang tuberculosis ay isa sa dahilan ng kamatayan ng mga Pilipino. Ganoon man, kahit na may 50 percent cut, mananatili rin naman ang 20 percent discount ng mga senior citizen.
Ang pag-iimplementa na lamang sa batas ang dapat bantayan ng mga awtoridad, particu-lar na ang DOH. Hindi naman lingid sa mamamayan na kahit na malinaw na mayroon nang kautusan marami pa rin ang hindi sumusunod at masyadong nagagahaman. Dapat bantayan ng DOH ang mga botikang magsasamantala. Dapat din namang ireport ng consumers ang mga botikang hindi susunod. Hindi dapat makapanaig ang mga ganid na may-ari ng botika.