NAGSIMULA si Marian bilang residenteng doktor sa pampublikong ospital noong January 1, 1979. Makalipas ang 11-taon, nahirang si Marian bilang Medical Officer III. Dahil sa trabaho, nalantad ang katawan niya sa maraming sakit. Nagsimula siyang magka-alta presyon noong 1994 kung saan ginamot ang sarili sa tulong ng asawa. Gayunpaman, noong 1998, nakaranas naman siya ng matinding pagkapagod at pagkawala ng gana sa pagkain na nagdulot ng pagbaba ng kanyang timbang. Sa takot na malubha ang kanyang sakit, dinala na si Marian ng kanyang asawa sa ospital. Sa unang pagsusuri ay napag-alamang may problema siya sa kidney kaya inirekomendang sumailalim sa hemodialysis dalawang beses isang linggo. Sa huli, nalaman na nasa huling stage na siya ng chronic glomerulonephritis. Batay sa sertipiko ng doktor ni Marian, streptococcal infection ang sanhi ng kanyang sakit. Kaya, noong March 1, 1999, sumailalim siya sa kidney transplant kung saan ang kapatid na la-laki ang kidney donor.
Hiniling ni Marian sa GSIS ang kanyang benepisyo sa ilalim ng P.D. 626 o ang Employees Compensation Act noong September 1999 subalit hindi ito iginawad sa kanya. Sinang-ayunan ito ng Employees Compensation Commission at ng Court of Appeals dahil (1) ang sakit daw niya ay hindi kabilang sa listahan ng occupational diseases at (2) ayon sa medikal na paliwanag, maaaring hindi dulot ng kondisyon sa kanyang trabaho ang kanyang pagkakasakit. Bukod dito, hindi rin niya napatunayan na nakuha niya ang sakit sa kanyang trabaho. Tama ba ito?
MALI. Ang matagal na serbisyo ni Marian sa nasabing ospital ay nagdulot sa kanya ng panganib na mahawa ng sakit at makakuha ng germs at bacteria na dahilan ng pagkakaroon niya ng glomerulonephritis. Walang dudang ang dahilan ng pagkakaroon niya ng inpeksyon mula sa streptococcus bacterium na isang probabilidad nang pagkakaroon niya ng malubhang glomerulonephritis ay ang matagal niyang pamamalagi sa ospital.
Ayon sa “increased risk theory”, kinakailangan lamang ang substantial evidence sa isang may katwirang isipan upang suportahan ang isang konklusyon. Ayon sa batas, kinakailangan na ang trabaho ay may koneksyon sa sakit at hindi ang direktang relasyon nito. Ang paghingi ng benepisyo ay batay sa probabilidad na dahilan at hindi batay sa tiyak na kadahilanan.
Ang Workmen’s Compensation Law ay patuloy na pu mapabor sa mga manggagawa. Ito ay isinasaad din ng 1987 Constitution. Samakatuwid, dapat bayaran ng GSIS si Marian ng Compensation benefits sa ilalim ng P.D. 626, as amended (Castor-Garupa etc. vs. Employees’ Compensation Commission, et.al. G.R.158268, April 12, 2006).