SAMPUNG Pinoy workers ang namatay sa Afghanistan makaraang bumagsak ang sinasakyang helicopter sa Kandahar Air Base noong Linggo. Kamakalawa, tatlo pang Pinoy ang iniulat na nasa critical na kalagayan samantalang dalawa pa ang iniulat na nawawala. Nang malaman ng mga kaanak sa Pilipinas ang nangyaring trahedya, nakalulunos ang kanilang hagulgol, may hinimatay, hindi maawat sa pag-iyak at karamihan ay labis na nagtataka kung bakit nasa Afghanistan ang kanilang mga mahal sa buhay. Ang pagkaalam nila, nasa Dubai ang kani-kanilang mga asawa at doon nagtatrabaho bilang welder at construction worker.
Sumabog na ang malagim na katotohanan, na ang kanilang mga mahal sa buhay ay nabiktima ng illegal recruitment. Illegal sapagkat hindi pinapayagan ng gobyerno ang mga Pinoy na makapagtrabaho roon. Masyadong magulo sa Afghanistan na walang ipinagkaiba sa Iraq at Nigeria. Pinapatay na parang manok ang mga sibilyan doon at walang patawad kung magtanim ng landmines. Maski ang mga Amerikano ay ingat na ingat sa pagkilos doon.
Patungo umano sa site ang helicopter na may sakay na mga Pilipino, Amerikano at Sri Lankan nang biglang magkaaberya ilang minuto makaraang mag-take-off. Bumagsak sa military base. Nabatid na ang mga 13 Pinoy workers ay ni-recruit para magtrabaho sa AIM, isang US based construction firm na nakakontrata sa NATO.
Isang malaking problema ngayon ay kung paano makakakuha ng benepisyo ang mga namatay na Pinoy sapagkat lumalabas na undocumented. Ilegal ang kanilang pagtungo sapagkat ipinagbabawal nga ang pagtatrabaho sa Afghanistan. Maski ang Department of Foreign Affairs ay nagtaka kung paano nakapasok sa Afghanistan ang Pinoy workers.
Corruption ang nakikitang dahilan kung bakit nakarating sa Afghanistan ang mga Pinoy worker. Kawing-kawing na sabwatan ng recruiter at mga taga-airport ang nangyari. Pera-pera lang ang labanan para makalabas ng bansa ang mga Pinoy na nagnanais kumita para sa pamilya.
Marami pang Pinoy workers ang tiyak na nasa Afghanistan at nakikipagsapalaran. Dapat magkaroon ng masusing imbestigasyon ang pamahalaan sa nangyayaring ito. Kung hindi kikilos, mara-mi pang Pinoy workers ang mauubos.