ISANG menor-de-edad na anak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent ang dinukot daw at ginahasa ng mga miyembro ng sindikato ng droga. Nataranta ang Malacañang at Kamara de Representante. Pinag-aaralan ngayon ang pagbuhay sa parusang bitay sa mga sangkot sa droga. Pero hindi pala totoo ang “rape story.” Gumimik pala ang trese-anyos na dalagita kasama ang mga katropa. Nalasing at natakot umuwi!
Sa totoo lang, marami na’ng napahamak sa droga. Talamak ang heinous crimes dahil sa demonyong bisyong ito tulad ng rape with murder. Pero dahil sa “kuryenteng” istorya, kinukonsidera ang pagbuhay sa death penalty. Pabor ako sa bitay pero dapat, hindi pabagu-bago ng isip ang gobyerno.
Nung panahon ni Presidente Aquino, binuwag ang parusang kamatayan. Hindi nagtagal, ito’y binuhay na muli, tapos muling binuwag dahil sa protesta ng mga human rights advocates at grupong relihiyoso (lalu na ang Simbahang Katoliko).
Kung hindi ako nagkakamali, nang buhayin ang parusang kamatayan ay iisa lang ang sumailalim sa lethal injection. Iyan ay si Leo Echegaray na naparusahan dahil sa panggagahasa sa sarili niyang anak.
This “urung-sulong” metality smacks of the government’s indecisiveness and ineptitude. Nawawalan tuloy ng kredibilidad ang ano mang batas na ipatupad. Ayon kay PDEA Director Dionisio Santiago, magpapatupad siya ng “Mexican Drug War” formula laban sa droga.
Hindi ko alam kung ano ang Mexican formula na ito. Pero gaano man kaganda ang sistema, wala ring silbi kung ang mga taong nagpapatakbo sa buong pamahalaan ay tiwali. Sabi nga ni Sen. Chiz Escudero, ang mas importante ay implementasyon ng batas at hindi ang batas mismo. Oo nga naman. Masyadong masalapi ang mga drug lords. Baka tapalan lang ng ilang milyones ang mga dapat magpatupad ng batas ay burado na ang kaso.
Nabalitaan natin kamakailan ang ilang pulis na itiniwalag sa tungkulin dahil hindi sumisipot sa pagdinig sa mga kaso ng drug traffickers. Tuloy, absuwelto ang mga nasasakdal! Sa magkanong halaga? Hmmm.
Nabalitaan din natin ang tungkol sa “narco-politics” na ang ibig sabihin, may mga impluwensyal na poli-tical figures na protector mismo ng mga sindikato. Ang droga ang pinagmumulan ng pondong ginagamit ng mga tiwaling politikong ito para manatili sa tungkulin.
Kaya sa pagbabago ng bulok na sistema, tayo ang responsible upang magkaroon ng positibong pagbabago. Iyan ay kung tayo’y pipili ng tamang leader pagdating ng eleksyon. Kung hindi, huwag na tayong magsisihan sa masamang pamamalakad sa gobyerno.