Dahil na rin sa pagpapatawad umano ni Eugenio Vagni sa mga Abu Sayyaf na kumidnap sa kanya, may mga sektor na hinihikayat ang gobyerno na bigyan ng amnestiya ang nasabing grupo. Iba ang damdamin ni Vagni, iba ang damdamin ng gobyerno, pati na ang bayan. Marami ring sektor ang nagsa sabing huwag bigyan ng amnestiya, kundi tapusin na ang mga terorista. Dahil sila’y nabansagang terorista, hindi na sila karapat-dapat bigyan ng amnestiya. Sa aking palagay ay hindi na sila manunumbalik sa lipunang may batas at takot sa Diyos. Matitindi ang karahasan na ginawa ng Abu Sayyaf sa Mindanao. Nakalimutan na ba ang pagpugot sa Marines na tinambangan sa Basilan? Hindi ito isang grupo na pinag lalaban ang karapatan, kundi mga kriminal!
Lalong hindi ako naniniwala na isusuko na lang nila ang kanilang mga armas, dahil ito lang naman ang nagbibigay ng kapangyarihan sa kanila. Ilang taon silang hindi sumusunod sa batas ng bansa at ginagawa na lang ang anumang gusto nila sa rehiyon. Sanay sila sa buhay na sila ang kinakatakutan at sila ang mistulang hari ng lalawigan. Kaya ang pagsusuko ng mga armas nila ay siguradong malayo sa kanilang mga isipan. Bigyan man sila ng amnestiya ay hindi rin magbabago ang mga ugali ng mga ito na nakaukit na sa pag-iisip nila.
Lumalabas pa na hindi kayang pulbusin ang Sayyaf kaya amnestiya na lang ang solusyon! At kapag nangyari iyan, kung sinu-sino pang mga grupong gustong gayahin ang Sayyaf ang maglalabasan na rin dahil alam na mahina ang gobyerno at militar! May ulat pang lumabas na nagkukulang na sa bala ang militar! Ano ba naman yan! Usaping amnestiya kasabay ang ulat na wala nang bala? Kaya naman malakas ang Sayyaf pumalag sa gobyernong ito! Wala sa lugar at panahon ang usaping amnestiya para sa Sayyaf. At sigurado ako na may gagawin na naman ang mga kriminal na ito para matigil ang mga panukalang ganyan. Pero kahit hindi sundalo pa ang tatanungin, kailangan ng bala ng hukbo para makalaban sa digmaan! Unahin na muna siguro yun, bago magsalita ng giyera.