Isang karatula at dalawang tanong

Karatula ito sa isang shop sa Cebu City, Ingles sa orihinal: “Mas nanaisin namin maka-negosyo sina President GMA, Secretary Gonzalez, Estrada, FG Mike A., at lahat ng maka­pangyarihan sa Kongreso at PNP — kaysa isa man lang na konserbatibong Pilipino.”

Malamang magalit ka sa nilalaman ng tila mapang­matang anunsiyo. Pero lipunan tayo na nagtataguyog ng malayang pananalita bilang pinaka-mahalagang karapatan. At kung tutuusin, karatula lang naman ‘yon. Tiyak nais niyo malaman kung ano ang negosyo ng nagkaratula.

Sagot: “Funeraria Lahug”.

Ngayon naman, dalawang mahihirap na tanong: Una: Kung kilala mo itong inang buntis, na meron nang walong anak — tatlo sa kanila ay bingi, dalawa ay bulag, at isa ay sintu-sinto — at siya ay merong syphilis, ipapayo mo bang magpa­laglag na lang siya?

Mahirap ba? Bago basahin ang sagot sa ilalim, bunuin muna ang ikalawang tanong: Hahalal ng lider ng mundo, boto mo ang magpapanalo sa isa sa tatlong kandidato, kaya sino ang pipiliin mo? Si Candidate A ay katoto ng mga tiwaling politiko, dalawa ang kabit, malakas mani­garilyo’t uminom, at pala-asa sa manghuhula. Si Candidate B ay dalawang beses sinipa sa puwesto, tang­hali kung bumangon, nag-opium nu’ng kolehiyo, at nagwi-whiskey gabi-gabi. Si Candidate C ay namedal­yahang bayani ng digmaan, vegetarian, hindi nanini­garilyo, at hindi nagloko sa asawa.

Kung si Candidate A ang pinili mo, siya’y si Franklin D. Roosevelt. Kung si Candidate B, siya si Winston Churchill. Kung si Candidate C, aba’y hinalal mo si Adolf Hitler. At kung pina­yuhan mo;ng magpalaglag ang ina, pinatay mo si Beethoven.

O sige, bonus question: Magtatrabaho ka ba sa organi­sasyon na may 270 kasapi, na di bababa sa apat ang kapamilya ng mangu­ngulimbat, isa ay kapatid ng rapist, pito ay naka­patay, mahigit kala­hati ay may kabit, 174 ay hayok sa poder, at halos lahat ay kumukupit mula sa sariling pondo?

’Yan ang Kamara, na nagsasabatas ng mga wastong gawi daw natin.

Show comments