NAGNGINGITNGIT si Parañaque councilor Carlito Antipuesto. Kagagawan daw ng mga kalaban niya sa politika ang kasong “panghuhuthot at panloloko” na isinampa sa Department of Justice ng ilang tricycle drivers ng lungsod. Ang kaso ay kaugnay umano ng kanyang proyektong “tricycle financing scheme.”
Kilala rin daw si Antipuesto sa tawag na ‘Doods Animal’ ng Animal Antipuesto Trike for Life Foundation. Kasama naman sa mga nagsampa ng kaso ang mga tricycle driver na sina Ronald Y. Guzman, Marcelino C. Nonato, Joselito Atabay at Norberto Momo.
Inireklamo ng mga trike drivers na ilegal ang tricycle lending scheme ni Antipuesto, sapagkat hindi naman umano ito aprubado ng Stock and Exchange Commission o SEC. Katunayan, anila, nagpalabas na ang SEC ng cease and desist order sa Antipuesto Foundation upang itigil na ang ilegal na lending scheme nito. Base pa rin sa reklamo ng mga tricycle driver, sobra-sobra kung magpataw ng interes si Antipuesto sa kanilang mga pagkakautang, kaya’t napipilitan silang magbayad kahit lagpas na sa napag-usapang tatlong taong bayaran.
Feeling ng mga trike drivers na inaagrabyado sila ni Antipuesto. Anila, mula’t mula pa’y hindi nagbibigay ng kopya ng tricycle lending contract ang nasabing konsehal. Tahasan namang pinabulaanan ni Anti-puesto ang paratang.
“Kung anu-anong kaso na nga ang isinampa nila sa akin. Sa Ombudsman, fiscal, pati na rin sa SEC. May grupo kasing nagsasabing dapat akong tumakbo bilang kongresman kaya ngayon pilit nila akong ginigiba kahit hindi totoo,”
Malamang daw na maharap din sa kasong tax evasion si Antipuesto dahil hindi nito isinisiwalat kung saan nagmula ang milyun-milyong kinikita nito na posibleng nagmula sa ilegal na lending ope-rations.
Well, naniniwala ako na kung mapapatunayan ni Antipuesto na demolition job lang ito at walang basehan, hindi siya dapat mangamba at matakot.