LIMANG milyong tao ang namamatay taun-taon dahil sa sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Sa loob lamang ng limang taon, 30-milyon ang namamatay. At kung hindi maihihinto ng smokers ang masamang bisyo, maaaring maubos ang mga tao sa mundo. Nakakakilabot na ang pagkaubos ng sangkatauhan ay dahil lamang sa bisyo. Karaniwang ang mga sakit na emphysema, sakit sa puso at bronchitis nakukuha sa paninigarilyo. Ang ganitong problema ay hindi naman dapat ipagwalambahala kaya kailangang paigtingin ng pamahalaan ang kampanya laban sa paninigarilyo. Magkaroon ng mga makabuluhang information campaign laban sa masamang dulot ng paninigarilyo.
Ayon sa report, 10 porsiyento ang nagagastos ng pamahalaan dahil sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Ibig sabihin, nasasayang ang pera sapagkat napupunta lamang para sa pagpapaospital ng mga sugapa sa sigarilyo. Malaking halaga na sana ito kung maiipon at magagamit para sa iba pang serbisyo sa mamamayan. Ang ganda kung wala nang gagastusin para sa pagpapagamot ng sakit na nakuha sa paninigarilyo.
Ngayong Hunyo ang “No Smoking Month” at maganda sana kung ngayon na rin uumpisahan ang pagsasagawa ng mga hakbang para matulungan ang mga sugapa na bumitaw na sa masamang bisyo. Ngayon na rin magpanukala ang mga mambabatas ng mga gagawing pagbabago sa mga pakete ng sigarilyo para ganap namang maipabatid sa smokers ang masamang dulot ng paninigarilyo.
Sa ibang bansa, halimbawa sa Thailand, ipinasusunod na ang paglalagay ng mga retrato ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Halimbawa ay ang sakit na tinubuan ng bukol sa lalamunan, sugat sa dila, butas sa pisngi at iba pang nakaririmarim na sakit. Kapag ang mga retratong ito ay nakita ng smokers, baka hindi na sila manigarilyo at tuluyan nang iwan ang nakamamatay na bisyo.
Isa pa rin sa magandang paraan para maitigil na ang paninigarilyo at makaiwas sa mga sakit ay ang pagtataas ng buwis sa produktong ito. Kung tataasan ng buwis, magmamahal ang sigarilyo at hindi na maaabot ang presyo.
Isa ring paraan na posibleng gawin para maitigil ang paninigarilyo lalo ang mga kabataan ay ang paghihigpit sa pagbebenta ng sigarilyo sa mga ito. Agad na dakpin ang may–ari ng establisimento, tindahan at pati vendors na magbebenta ng yosi sa kabataan.