NAMIMILIPIT si Executive Sec. Ed Ermita sa pagtatanggol ng mali. Kesyo raw malaking pagkukumbaba sa parte ni President Arroyo kung totoo ang ulat na kakandidato para congresswoman o member of parliament sa 2010, dahil naparurok na ng kapangyarihan. Kesyo marami pang maitutulong si Arroyo na mahihirap. Ito ang sagot niya sa hiyaw ni ex-President Ramos kay Arroyo na tigilan na ang pag-aalembong tungkol sa kandidatura. Bakit mali si Ermita? Mas maraming maitutulong si Arroyo na maliliit kung umalis sa pulitika at lumipat sa kawang-gawa. Pero alam naman ng lahat na kaya balak ni Arroyo mag-mambabatas ay para makaiwas sa kasong plunder at human rights violations kapag bumaba sa poder sa 2010. Dalawang legal issues ang ibinabandila. Ayon sa mga Arroyo allies, walang batas na nagbabawal sa Presidenteng tumakbo para sa mababang puwesto, at hindi niya kailangan mag-resign para dito. Ayon naman sa mga kritiko, maihahabla pa rin si Arroyo ng plunder at mass murder dahil ang immunity ng mambabatas sa demanda ay sa mga kaso lang na hindi hihigit sa anim na taon ang sentensiya.
Pero may dagdag na isyu ang kaibigan kong U.E. law dean Amado Valdez. Kapag raw tumakbo si Arroyo, mapapasailalim siya ng Election Code at maaring ihabla sa paglabag nito. Mawawalan siya ng presidential immunity. At ang immunity ay hindi mahahati. Hindi maaring immune si Arroyo sa ibang demanda maliban sa bilang kandidato. Kung nagkataon, maraming maaring isampang demanda kay Arroyo habang tumatakbo pero nananatili bilang Presidente. Maari, halimbawa, idulog sa korte ang kanyang mga gagawing tratado o appointments. Kapag tadtad sa demanda si Arroyo, mapoposasan nang husto ang kanyang pagkilos. At ito naman ang maaring maging rason para siya i-impeach sa kawalan ng ginagawa. Kumbaga, lalo lang mapapabilis ang pagbagsak niya mula sa poder.
Kaya simple ang payo ni Dean Valdez kay Arro- yo: Pinaka-mababa, mag-leave of absence siya sa pagka-Presidente habang kumakandidato.