HAPPY FATHER’S DAY! Naala-ala ko si TATAY. Ang pangalan niya ay Petronio, palayaw niya ay ETRON o PETRON. Kaya’t di pa naiimbento ang pangalan ng gasolina ng mga sasakyan ay meron na akong gasolina sa aking buhay.
Naalaala ko tuloy na noong ako ay grade school pa lamang ay lagi niya akong isinasama tuwing Biyernes o Sabado ng gabi para manghuli kami sa ilog ng dalag, hipon at talangka. Ang tawag namin sa ilog na ito ay MAMALA galing sa Bundok Banahaw. Lagi akong natatakot kasi napaka-dilim ng gabi. Ang ilaw lamang na dala ay isang GASERA. Ako ang taga-hawak ng SIMA at sa gawing ILAYA ay guguluhin niya ang mga bato upang magtakbuhang papuntang IBABA ang anumang lamang-ilog na naruroon at huli silang lahat ng aking hawak-hawak na sima. May takot man ako ay pansamantala lamang sapagka’t alam kong di ako pababayaan ang aking AMA.
Sa unang pagbasa ay sinabi ng Diyos sa atin na ang tubig ay Kanyang nilagyan ng hangganan upang ito’y manatili sa likod ng mga harang at hindi lalampas sa along naglalakihan. Ibig sabihin di Niya tayo pababayaan. Kaya’t ayon sa Salmo: “Panginoo’y papurihan sa pag-ibig niya kailanman”. Kung ako’y nagtitiwala kay Tatay noon ay lubusan tayong makipag-isa kay Kristo para ariin Niya tayong isang bagong nilalang na malayo sa kasalanan.
Meron nga tayong paniniwala sa Panginoong Diyos ng ating buhay, subali’t sa mga pagsubok sa atin ay bigla na lamang nawawala ang ating tiwala sa Kanya. Katulad tayo ng mga alagad na laging kasama ni Hesus sa kanyang pangangaral, pagpapagaling at pagpapatawad ng mga kasalanan, na sa isang MALAKING ALON at MALAKAS NA UNOS ay biglaang nawala sa kanilang PUSO AT ISIPAN si Hesus. Sila pa man na nakasaksi sa mga ginawang kabutihan at himala. Hindi niya mapagwari na ang nag-anyaya sa kanila ay mismong si He- sus na kanilang kasama: “TUMAWID TAYO SA IBAYO”. Kasama nila si Hesus at natutulog lamang sa may hulihan ng bangka. Nagsalita pa sila: “Guro hindi ba ninyo alintana, lulubog na tayo.”
Ganun tayo. Mahilig tayo sa INSTANT COFFEE. Ibig sabihin sa ating pangangailangan ay lagi nating inaasahan ang biglang tulong ng Diyos. Kulang pa tayo sa tiwala at pananampalataya sa Diyos sa SIYANG LUMIKHA SA ATIN. Kaya’t sabi ni Hesus at utos nya sa hangin “TIGIL” at sa dagat “TUMIGIL KA”. Kaya naman sinasabihan niya tayo ngayon katulad ng sabi niya sa mga alagad: “BAKIT KAYO NATATAKOT? WALA BA KAYONG PANANALIG?”
Tinutulungan na tayo ng Panginoon at kadalasan pa rin ay merong pa tayong pagta- taka at pag-aalinlangan. Katu- lad ng sinabi ng mga alagad matapos tulungan ng Pangi-noon ay nagtanong pa: “SINO NGA KAYA ITO AT SINUSUNOD MAGING ANG HANGIN AT NG DAGAT”. Ang tiwala sa Diyos ay di tayo pababayaan. Ang unos at bagyo ay puro pagsubok ni Hesus sa ating PAGLALAKBAY sa ILOG at KARAGATAN ng ATING BUHAY.
Job38:1-8,11; Salmo106; 2Cor5:14-17 at Mk4:34-41