Patawarin sa unang kasalanan

KASO ito ni Marcos na kawani ng National Irrigation Admi­nistration. Nagsimula siya bilang isang laborer at uma­ngat sa puwesto hanggang maging Civil Engineer II sa isang distrito (SED) ng DPWH. Sa katunayan, naka­tang­gap pa nga siya ng halagang P1,500 bilang gantim­pala sa 10 taong tuluy-tuloy na serbisyo sa DPWH. Inire­ko­men­da rin siya para maging Engineer III sa SED ng DPWH.

Samantala, natuklasan na upang makuha niya ang gantimpala at ang promosyon, nagsumite si Marcos ng tatlong magkakaibang Personal Data Sheet – PDS/Civil Service Form 212, noong Disyembre 20, 1988, Marso 2, 1992 at 1994. Napag-alaman na magkakaiba ang laman ng tatlong PDS tungkol sa tinutukoy niyang pagtatrabaho mula 1984 hanggang 1986. Ayon sa pangalawang apli­kasyon, nagtrabaho siya sa Philippine Japan Highway Loan Division ng DPWH Region 8 mula May 1, 1984 hang­gang Oktubre 1986 samantalang sa pangatlong apli­kasyon, nakalagay naman na nakaliban siya sa trabaho bilang City Engineer ng DPWH Region 8 mula Enero 1,1984 hanggang Oktubre 9, 1986 at katun­ayan ay nagtatrabaho siya noon sa PHILPOS Ba­ga­cay Mines ayon naman sa kanyang unang aplikasyon.

Nang kasuhan siya ng pagpapalsipika sa mga doku­mento, pagsisinungaling o panloloko at pagkilos na hindi naaayon sa batas. Napatunayan ng Civil Service Commission na nagkasala siya at tinanggal sa trabaho. Nang umapela, idineklara ng Court of Appeals na gu­mawa siya ng panloloko ngunit imbes na tanggalin sa trabaho, sinuspinde lamang siya ng isang taon na walang suweldo base sa sumusunod: 1) Nagtra­baho si Marcos sa gob­yerno sa loob ng mahigit 20 taon; 2) ito ang kauna-unahan niyang pagkaka­sala; 3) nagsimula siya bilang laborer hang­gang umangat siya sa po­sis­yon at maging Engineer II ng            SED-DPWH at 4) isi­noli naman niya ang gan­tim­palang P1,500 na kan­yang natanggap. Tama ba ang CA?

TAMA. Bagama’t ayon sa Section 53A (1) Civil Ser­vice Rules ang dishonesty ay isang mabigat na kasalanan na dapat pata­wan ng parusang pagkaka­tanggal sa trabaho kahit pa nga unang beses pa la­mang ginawa, sinasaad din sa Sec. 53 na sa pagbi­bi­gay ng parusa, dapat din ikon­sidera sa pagpataw ng parusa ang mga sirkums­tansiya na maaaring maka­pagpababa nito o ang tina­tawag na mitigating circumstances tulad halim­bawa ng tagal niya sa serbisyo, dami ng beses na ginawa niya ang kasalanan at iba pa. Sa kaso ni Mar­cos, ang 20 taon niyang pag­se­ser­bisyo sa gob­yerno na wa­lang ma­samang rekord pati na ang pagsasauli niya sa gantim­palang P1,500 ay sapat na upang pababain ang kan­yang parusa mula sa pag­ka­katanggal sa ser­bisyo hanggang sa parusa la­mang na isang taon na suspindehin sa trabaho na walang bayad. Binabalaan si Marcos na sa oras na gu­mawa siya ng katulad na paglabag ay talagang mas mabigat na parusa ang ipa­pataw sa kanya (Miel vs. Ma­lindog, G.R. No. 143538, February 13, 2009).   

Show comments