KAUUPO pa lamang ni Supt. Romulo Sapitula bilang hepe ng Ermita Police Station ay ipinakita na niya ang kanyang kasipagan. Noong Martes ng madaling araw, sinalakay nila ang Baseco Compound sa Port Area, Manila. Kilala ang Baseco na lungga ng mga kilabot na kriminal kaya halos linggu-linggo ay may nangyayaring patayan. At dahil nga sa kawalan ng aksiyon, ang mga nagdaang hepe ng Ermita Police Station ay binansagan itong killing ground ng Maynila. Hindi yata buo ang isang linggo ng mga taga-Baseco kung walang pinaglalamayan.
Nabigla ang mga taga-Baseco sa isinagawang anti-criminal operation drive nina Sapitula. Marami ang nagreklamo dahil ayon sa kanila, hindi naman ito ginagawa ng mga pulis sa kanila. Malaking abala umano sa mga kalalakihan na madala sa presinto noong araw na iyon. Nasanay na kasi ang mga ito na basta na lamang tatambay sa mga madidilim na bahagi ng kalsada, iinom ng magdamagan at maging ang mga kabataan ay tumatambay din. Ngunit tila narinig na ang panalangin ng ilang mga residente na maging payapa na ang kanilang pamumuhay. At ang sagot sa kanilang mga dasal ay ang pagkakatalaga kay Sapitula sa kanilang lugar.
Kilala kasi si Sapitula sa kanyang kasipagan sa pagsagawa ng saturation drive sa mga lansangan noong siya pa ang hepe ng Sta. Cruz Police Station. Malaki ang ipinagbago ng naturang lugar dahil sa walang humpay niyang pagsalakay. Nagsilayas ang mga pusakal sa takot na maposasan ni Sapitula. Naibsan ang holdapan sa lansangan sa tuwing sasapit ang dilim at napigilan ang mga magnanakaw sa pagsalakay sa mga tahanan. Umani ng papuri si Sapitula sa mga barangay chairman at maging sa mga residente na nailigtas niya sa kapahamakan. At ngayong naitalaga siya sa Ermita, makatitiyak ang lahat ng mga residente na ipagpapatuloy niya ang kanyang sinimulan sa pamamagitan ng biglaang pagsasagawa ng anti-criminal campaign upang mabigyan ng proteksiyon ang mga residente laban sa mga pusakal. At bilang sampol sa kanyang operasyon ay nakadampot sila ng may 112 katao sa halos dalawang oras na pasada sa mga madidilim na lugar ng Baseco. Gamit ni Sapitula ang mga Warrant of Arrest mula sa iba’t ibang sangay ng Manila Regional Trial Court sa kanilang pagsalakay. Sa 112 katao na inimbita sa presinto, pawang mga burdado ng tato ang mga pangangatawan kung kaya’t pansamantala silang pinigil at isinailalalim sa Criminal Record Check at ang ilan naman na kumpleto sa Identification Card (ID) ay agad namang pinawalan. Kilala ko itong si Sapitula pagdating sa trabahong pulis. Hindi nito alintana ang pagod at puyat upang maipagkaloob sa mga mamamayan na kanyang nasasakupan ang ganap na katahimikan. Tinutupad lamang ni Sapitula ang kanyang sinumpaang tungkulin alinsunod sa kautusan ni Manila Mayor Alfredo Lim na lipulin lahat ng kriminal sa lungsod. At dahil nga kilala itong si Sapitula sa pagiging eksperto sa pagsasagawa ng anti-criminal campaign, personal siyang hiniling kay MPD director P/Chief Supt. Rodolfo Magtibay na pamunuan ang Ermita Police Station. He, he, he! Hindi nagkamali itong sina Lim at Magtibay sa pagtatalaga kay Sapitula sa puwesto dahil may BAYAG ito sa lahat ng mga pulis. Gets n’yo mga suki! Baka naman isipin ninyo mga suki na puro kriminal lamang ang hahabulin ni Sapitula sa inyong lugar. Aba, marami pa siyang nakahandang programa para mapaglikuran kayo hindi lamang sa pagsugpo ng mga kriminal kundi maging sa pagkalinga sa mga kapus-palad na pagala-gala sa mga lansangan. Ayon kay Sapitula nang aking makausap, nais niyang tulungan ang mga kapus-palad na mailagay sa tamang lugar upang hindi maging eyesore sa mga turista. Ito kasing Ermita ay sentro ng mga foreigners at investors kaya’t kung patuloy sa paglaganap ang mga palaboy na solvent boys, tiyak na matatakot ang mga ito,Gen. Magtibay Sir, suportahan ninyo itong mga programa ni Sapitula upang lalong magni-ningning ang Manila Police District at muling tingalain ang imahe ng Manila’s Finest. Abangan!