ANG aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ay nagsagawa ng official visit sa Kuwait noong Hunyo 11-14 at personal na nakipag-ugnayan sa OFWs doon.
Ito ay tugon sa imbitasyon ng Pilipino community doon at ni Ambassador Ricardo Endaya na maging panauhing pandangal sa kanilang selebrasyon ng 111th Philippine Independence Day anniversary. Ako at si Presidente Erap ay kabilang sa delegasyon na kasama ni Jinggoy sa pagbisita.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan at pinapurihan ni Jinggoy ang mga opisyal ng Kuwait sa kanilang matatag, maganda at produktibong relasyon sa Pilipinas. Humigit-kumulang na 73,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa Kuwait.
Kaugnay sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, ipinaalala ni Jinggoy sa mga OFW ang kahalagahan ng pagmamahal sa bansa, lalo ngayon na marami sa mga kabataan ang hindi na nauunawaan at napahahalagahan ang kalayaan na ipinaglaban ng ating mga bayani.
Pero bukod sa naging paglaya ng ating bansa mula sa pananakop ng mga dayuhan, kailangan naman aniya ngayon na makalaya ang mga Pilipino sa kahirapan at kawalan ng oportunidad sa hanapbuhay.
Binigyang-diin ni Jinggoy ang sakripisyo ng OFWs na lumayo sa pamilya at makipagsapalaran sa ibang lupain para maitaguyod ang kani-kanilang mga pamilya. Ibinahagi rin ni Jinggoy ang kanyang pangarap na sana’y dumating ang panahon na hindi na kailangang mangibang bansa ang Pinoys para maghanapbuhay.
Sa mga gustong lumiham kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, ipadala ang inyong mga liham sa kanyang tanggapan sa Room 602, Senate of the Philippines, GSIS Bldg., CCP Complex, Pasay City. Ipagpaumanhin po na hindi tinutugunan ng tanggapan ang mga solicitation letter.