Naganap ang kilos-protesta noong Miyerkules, laban sa con-ass na isinulong ng mababang kapulungan. Libo-libo rin ang dumalo, mula sa iba’t ibang grupo at sektor ng lipunan. Maayos at mapayapa naman. Pinagtatalunan kung ilan ang dumalo sa nasabing rally sa Makati, depende kung sino ang tatanungin mo, pero maliwanag na mas konti ito kumpara sa mga lumipas na rally na kontra sa mga palakad at patakaran ng administrasyon. Pero hindi ito ibig sabihin na ang mga dumalo lang sa rally ang mga hindi sang-ayon sa con-ass. Marahil ay may bagong pamamaraan na rin para maghayag ng protesta laban sa con-ass.
Sa internet, lampas 20,000 ang sumusuporta sa pagtutol sa con-ass. Ang laban ay dinadala na rin sa internet, na isang mahalagang behikulo para sa pagkakalat ng inpormasyon, pati na rin ang pagsulong ng isang kampanya, maging pulitikal o hindi. Ginamit nang husto ni US President Barack Obama ang internet para mangampanya sa mga kabataan. At mukhang matagumpay naman ang ginawa niyang paraan. Habang dumadaan ang panahon, nagbabago na rin ang mga pamamaraan para maihatid ang mensahe o ang damdamin ukol sa mga isyu na maiinit. Kaya malawakan pa rin ang kontra con-ass!
At ito na nga ang mainit na isyu ngayon. Ang pagsulong pa rin ng con-ass sa kabila nang malawakang pagtutol sa kilos na ito para baguhin ang Saligang Batas. Mismo ang pinaka-malakas magtanggol kay President Arroyo ang nagsabi na kung mapapalitan nga ang Saligang Batas, sa tingin niya ay tatakbo nga si Arroyo bilang kongresista ng Pampanga, para makaposisyon at mahalal na prime minister. Kapag nangyari iyan, ilang taon na naman tayo na nasa ilalim ng isang administrasyong Arroyo! Ito ang tinig ng tao na inamin din na siya ang nagkumbinse kay Arroyo na tumakbo ulit noong 2004 bilang presidente. Para namang kailangan pa natin ng karagdagang dahilan para kasuklaman si Raul Gonzales!
Kaya siguradong hindi ito ang huling kilos-protesta na magaganap sa darating na panahon, lalo na kapag tuluyan nang kumilos ang Kongreso nang hindi sinasali ang Senado. May dahilang mangamba ang taumbayan, kahit ano pa ang sabihin ng mga tauhan ni Arroyo.