EDITORYAL - Ilipat sa summer ang school opening

SA mananalong presidente ng Pilipinas sa 2010 at sa kanyang magiging education secretary, mayroon na silang dapat pag-isipan sa pagbabago ng opening ng klase. Ilipat na sa summer ang pagbubukas ng klase para hindi naman masayang ang mga araw ng mga estudyante. Dapat nang matuloy ang ganitong balak na ilang taon na ring panukala ng nakararami.

Mula nang magbukas ang klase noong Lunes, dalawang araw pa lamang ang naipapasok ng mga estudyante sa public school sa Metro Manila. Sinus­pinde ang klase noong Miyerkules at Huwebes at maski kahapon, patuloy pa ring suspendido ang klase dahil sa malakas na pag-ulan. Bumaha sa maraming lugar sa Metro Manila noong Huwebes at maski kahapon, may mga bahaging lugar sa Maynila na lubog sa baha.

Sabi ng PAGASA, magpapatuloy pa ang mga pag-ulan. Mayroon namang namataan na sama ng panahon. Kung ganoon at magpapatuloy ang pag-ulan at baha, baka sa mga susunod na araw ay wala na namang pasok sa Metro Manila. Asahan na ang ganito sapagkat ang Hunyo ay talaga namang pana­hon ng tag-ulan. Ang Hulyo, Agosto, Nobyembre at Disyembre ay panahon din ng pag-ulan at pagdalaw ng mga malalakas na bagyo. Kung tutuusin ay mahaba ang panahon ng tag-ulan kaysa tag-araw.

Marami na ang nagpanukala at nagsuhestiyon na gawing summer ang pagbubukas ng klase. Kung summer ang school opening, tiyak na makaiiwas sa matinding ulan at pagbaha ang mga estudyante. Bukod diyan, makaiiwas din sila sa mga sakit na nakukuha kung panahon ng tag-ulan at pagbaha kagaya ng leptospirosis at dengue.

Kung ang school opening ay mula January hang­gang May (first semester) at September hanggang December (second semester) tiyak na makaiiwas sa malulubhang pag-ulan at baha ang mga estud­yante. Hindi na rin magkakaroon ng mga pagsisihan sa pagsuspinde ng klase. Lagi nang urung-sulong ang DepEd sa pagsuspinde sa klase at saka lamang nakapagdedesisyon kapag nakapasok na ang mga estudyante. Atrasadong magdesisyon kaya naman umaangal ang mga magulang.

Pag-aralan sana ng mga susunod na mamu-muno sa bansa ang tungkol sa school opening na dapat gawin kung panahon ng summer.

Show comments