Aayos at matiwasay daw ang pagbubukas ng klase sa public school noong Lunes, sabi ng Department of Education (DepEd). Nasa 19.46 milyong estudyante ang nagbalik sa mga school at sabi ng DepEd, “very smooth and orderly” ito. Wala raw silang naranasang extraordinary problems sa pagbubukas ng klase. Sabi ni DepEd secretary Jesli Lapus natutuwa siya sa magandang resulta ng pagbubukas ng klase. Napaghandaan daw talaga ng departamento ang opening. Pinuri ni Lapus ang mga tumulong sa kanilang Oplan Balik Eskuwela.
Maganda naman at tagumpay ang programa ng DepEd para sa matiwasay at maayos na pagbubukas ng klase. Ganito nga ang hangad ng mga magulang — ang matiwasay na pagbubukas ng klase. Pero mas may maibibigay pa ang DepEd na labis na mahalaga hindi lamang sa mga magulang kundi lalo sa mga estudyante. At ito ay ang pagbibigay pa nang mahusay na edukasyon, maayos na pasilidad at iba pang makatutulong sa mga kabataan para maabot ang mataas na karunungan. At ang mga nabanggit ay maibibigay lamang ng pamahalaan sa pamamagitan ng DepEd kung maglalaan nang malaking budget. Kung may malaking budget allocations ang DepEd, makatitiyak na may magandang kinabukasan ang mga kabataan. Sa pagbubuhos ng budget para sa edukasyon, maraming kabataan pa ang matututo at sila ang mag-aambag nang malaki para umunlad ang bansang ito.
Maliit lang ang budget para sa edukasyon ngayong 2009, nasa P160 billion. Mas malaki pa ang naka-allocate para sa mga utang at bayarin (P600 billion) at ganundin para sa IRA na P260 billion. Sa budget na P160 billion, lumalabas na ang gastos ng gobyerno para sa isang estudyante sa loob ng isang taon ay $138 lamang. Samantalang sa ibang bansa sa Asia kagaya ng Thailand, Singapore at Japan, ang bawat estudyante roon ay ginagastusan ng gobyerno $853, $1,800 at $5,000 ayon sa pagkakasunud-sunod. Mas malaking hamak ang inilalaan ng gobyerno para sa edukasyon ng mga kabataan.
Hindi lamang ang kaayusan at katiwasayan ang dapat ipagkaloob sa mga estudyante kundi ang sagad na tulong para sa edukasyon. Sagarin ang pagbibigay ng alokasyon sa budget. Iprayoridad ang edukasyon.