Nagkakaroon na ng bagong anggulo ang imbestigasyon sa Hayden Kho-Katrina Halili sex video scandal. Isang anggulo na pamilyar na ang maraming tao. Droga. Dahil na rin sa isiniwalat ng ina ni Hayden na kay Katrina umano galing ang mga drogang ginamit ng anak nang kunan ang video, interesado na rin ang PDEA sa sikat na kaso.
Matagal nang binabanggit ng PDEA na talamak ang paggamit ng droga ng ilang artista. Pero wala pa silang matukoy sa mga sikat na artistang sinasabi nilang lulong sa droga. Ngayon, isang kaso ang umaabot sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, kaya baka ito na ang pruweba sa kanilang paratang.
Pero kung naka-droga si Hayden nang kunan ang mga pelikula, maliwanag na inaayos pa niya ang anggulo ng kamera bago siya nakipagtalik sa mga babae. Ganito ba ang isip ng isang bangag sa droga, metikuloso sa detalye at may maliwanag na intensiyon? Kadalasan, kapag may nahuhuling naka-droga, wala sa sarili ito at lalong hindi metikuloso sa kilos at kagamitan. Mabagal at tuliro.
Kaya interesado na ang PDEA sa kaso at baka ito na ang isang halimbawa ng kanilang binabanggit. Mukhang mas nakasama pa ang mga pahayag ng ina ni Hayden. Nalulungkot at naaawa ako sa kanyang ina. Wala naman siyang puwedeng gawin kundi suportahan ang kanyang anak, kahit ano pa ang nagawa nito.
Kung saan-saan na napupunta ang isyung ito, na sinusubaybayan pa ring maigi ng media. Tunay na nag piyesta ang lipunan sa ginawang mga pelikula ni Hayden. Kung nababayaran siguro siya ng bawa’t taong nanood nito, limpak-limpak na ang kanyang salapi! Pero sa kabila ng lahat ng anggulo ukol sa pangyayaring ito, hindi dapat malihis sa tunay na isyu – ang pambababoy sa kababaihan.
Dehadong-dehado ang babae sa nangyari rito. At siguradong may mga iba diyan na humahanga pa sa ginawa ni Hayden, at sinisisi naman ang pagbibigay ng sarili ni Katrina. Sa dami ng imbestigasyong sumusuri sa isyung ito, kailangang maparusahan ang may kasa lanan. Kasama na ang sinumang naglabas ng sex video.