NAKAKATUWA ang programang Ruffa and Ai ng ABS-CBN. Napakasaya at palaging puno ng impormasyon at kasiyahan para sa manonood. Mapalad kami ng aking misis, na si Dra. Liza Ong, na maging medical experts ng naturang programa. Napakabait at very charming sina Ms. Ruffa and Ms. Ai.
Palagi kaming tinatanong kung maganda ba si Ruffa Gutierrez at Ai-Ai De Las Alas sa personal. Ang sagot ko ay siyempre “Oo.” Si Ruffa ay matangkad, maganda at napakabait. Wala siyang ere at masaya siya sa kanyang buhay. Ipagdasal natin na mahanap na ni Ruffa ang kanyang “soulmate” para sumaya pa ang kanyang buhay.
Si Ai-Ai naman ay talagang sobrang lakas ang appeal sa masa. Bawat biro at galaw niya ay siguradong tatawa ang studio audience. Sa mga ratings na lumalabas, nagiging number 1 na ang Ruffa and Ai.
Ito ang ilan sa mga paksa na aming tinalakay sa Ruffa and Ai:
1. Pag-iwas sa swine flu. Sa ating kababayan, huwag masyadong matakot sa swine flu o Influenza A (H1N1) virus. Humina na itong virus at halos hindi na nakamamatay sa mga nagkakasakit nito. May gamot na rin sa swine flu, ang Tamiflu. Ang payo namin ay (1) maghugas lagi ng kamay, (2) palakasin ang resistensiya, at (3) umiwas sa mga taong inuubo.
2. Pag-iwas sa food poisoning. Ngayong piyestahan, dapat mag-ingat sa sirang pagkain. Umiwas sa mga pagkaing lampas na sa 3 oras na nakahain. Baka panis na iyan. Ilagay ang tirang pagkain sa refrigerator. Mag-ingat din sa pagkain ng may sarsa, tulad ng may gata, may mayonesa at gatas. Ang fruit salad, cheese whiz ay madaling mapanis. Mas safe ang tuyong pagkain tulad ng pritong isda at manok.
3. Tips sa mga buntis. Kailangan ng buntis ang 4 na sustansiya: calcium, iron, folic acid at protina. Uminom ng 4 na basong gatas (low-fat milk) bawat araw. Kumain ng itlog, karne at atay para makakuha ng protina. Kumain din ng maberdeng gulay na mataas sa folic acid at iron tulad ng kangkong, petsay, malunggay, spinach at talbos ng kamote. Umiwas sa masyadong matatamis at baka kayo magka-diabetes. At siyempre, magpa-check-up sa inyong OB.
Nagpapasalamat kami sa buong staff ng Ruffa and Ai, lalo na kay Jasmin Pallera ang mabait na Executive Producer ng show. Salamat din kay Gia Suyao (Production Manager), Gb Sampedro (Director), Grachel Castro (Associate Producer), Princess Erasquin at Liza Madriaga. Mapapanood ang Ruffa and Ai tuwing 10:15 ng umaga, mula Lunes hanggang Biyernes sa ABS-CBN.