Dangal ng isang bansa ang pagkakaroon ng matatag at marangal na serbisyo sibil. Sa mga bansa tulad ng Amerika at Inglatera maihahambing sa pribadong sektor ang sahod at benepisyo ng kawani ng gobyerno. Walang usapang tong-pats – lahat ay propesyonal. Isa ito sa suka-tan ng kung gaano kalakas ang karakter ng isang bansa.
Sa atin sa Pilipinas, sa Saligang Batas mismo nakaukit ang kahalagahan ng civil service. Subalit katulad din ng kahit ano pang probisyon o batas ng Konstitusyon, may peligro ring hindi ito mapahalagahan kapag hindi pansinin ng nanunungkulan, lalo na kung Malacañang mismo ang unang manalaula. Tulad na lang ng ginagawa ngayon sa patuloy na pagtambak ng mga retired military officers sa foreign service.
Sa buong serbisyo sibil, ang foreign service ang tinuturing na pinakamahigpit na pasukin. Mahirap ang exam at matagal-tagal ang matrikula bago masanay sa puwestong kalalagyan sa ibang bansa. Masusing pinatutupad ang isang sistema ng seniority na dumadagdag sa propesyonalismo ng kawani. At ang protocol na dapat pag-aralan ay napakasensitibo na kinakailangan ang seryosong pagdalubhasa.
Sa ganitong kultura tinambak ni Gng. Arroyo ang kanyang mga loyal generals bilang premyo sa kanilang suporta. Mahigit pa kay FVR, si Gng. Arroyo na ngayon ang topnotcher sa militarization ng foreign service dahil sa dami ng military men na pinasok. Ito’y malinaw na paglabag sa kautusan ng batas na dapat palakasin ang propesyonalismo. Ano man ang husay ng mga heneral, iba pa rin ang kanilang training sa mga diplomat. Giyera sa halip na negosasyon; aksyon at hindi salita; dagdag armas imbes na bawas armas, at iba pa.
Sa bawat ambassadorial position na pinupuno galing sa loob ng DFA, anim na posisyon ang bumubukas para sa promotion. Kaya’t tuwing manggagaling sa labas ang appointee, lalo na pag-military background na magbibitbit din ng sariling tropa, grabe ang demoralisasyon.
Hindi matatanggal sa isang ehekutibo ang karapatang mamili ng kanyang pinagkakatiwalaan, lalo na sa larangan ng foreign relations. Pero nandiyan nga mismo ang Commission on Appointments (CA) upang siguruhin na hindi maabuso ang ka pangyarihan.
Ang desisyon ng CA na huwag munang aksyunan ang nominasyon ni Gen. Yano ay hindi personal na paghusga sa kanya. Ito ay napapanahon na pag-review sa kung nalimutan na ang prinsipyo ng civilian supremacy over the military.