Hindi ko maintindihan kung bakit patuloy pang umaangal si Sen. Aquilino Pimentel sa natapos nang desisyon ng Senado na ipagpatuloy ang imbestigasyon kay Sen. Manny Villar sa umano’y dobleng pagpondo sa isang proyekto na nakinabang nang husto. Lahat ng pagkakataon ay ibinigay kay Villar at sa kanyang mga kakampi para ipagtanggol ang sarili sa mga akusasyon ni Sen. Jamby Madrigal. Pero mas pinili nila ang hindi sumipot, at sa labas nagpapaliwanag. Bakit nga ba?
Maliwanag na wala silang respeto sa Senado kung saan sila’y mga miyembro rin. Kung talagang inosente sa mga paratang, may lugar kung saan puwedeng ipagtanggol ang sarili. Mga kasamahan at kapantay niya ang mga humihiling na magpaliwanag siya, pero hindi niya binigyan ng panahon. Ano na ang pinagkaiba niya sa mga ayaw ding sumipot sa Senado kapag pinatatawag para magpaliwanag?
Alam na ang estilo ni Pimentel: Magsasalita nang magsasalita nang magsasalita nang magsasalita. Ma galing siya rito at ipinakita niya ito noong 2004 sa kanyang paulit-ulit na pagtalumpati ng higit tatlong oras. Sa kanyang patuloy na pagbabatikos sa desisyon ng Senado, pinapakita niya na walang saysay ang ginawa ng Senado. At higit sa lahat, ipinapakita niya na ayaw magpaimbestiga ni Villar. Dadalhin na raw nila ang reklamo nila sa Korte Suprema. Parang ginawa ni Romulo Neri at iba pang mga kasangga ng administrasyon kapag naiipit na sa Senado.
Siguradong iuurong ng kampo ni Villar ang langit at lupa para hindi matuloy ang imbestigasyon sa kanya. At alam naman ng buong Pilipinas na may kakayahan siya, bilang pinaka mayaman sa Senado, ayon sa kanyang pinaka-huling pahayag ng kayamanan at babayarin. Nasa Senado na kung magpapaurong din sila. Kung ganito lang ang nangyayari sa Senado at hindi magkaisa, paano pa sila magkakaisa para ipasa ang mga mahahalagang batas? Paano gagana ang isang institusyon, kung may miyembrong inaakusahan ng anomalya, at ayaw magpaimbestiga? Paano na ang integridad ng institusyon na iyan? Kung inosente talaga, ano ang ikinatatakot niya sa isang imbestigasyon?