NGAYON ay 43rd world communications day “Humayo kayo sa sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang mabuting balita.” Mk 16:15. Ito ang dakilang tagubilin ni Jesus sa lahat ng mga sumampalataya sa kanya. kaya’t mula noon hanggang nayon ay lumaganap na ang kanyang pangangaral sa buong daigdig, ang Kristiyanismo, maliban sa lupang sinilangan ni Jesus, ang Israel. At ngayon ay masasabi natin na ang Kristiyanismo ng bansang Pilipinas ang nagpapatuloy sa pagtupad ng tagubilin ni Jesus: “Humayo kayo”. Ating banghayin ang lahat ng mga nangangaral ng Mabuting Balita sa buong daigdig at maliwanag sa lahat na pawang kapwa Pilipino natin ang nakararami at sa buong Kristiyanismo, nangunguna pa rin ang mga Katoliko.
Maging sa Canada at Amerika ay pawang mga Katolikong pari at madre na relihiyoso ang laganap na. Maging sa mga religious group o iba’t ibang organisasyong Katoliko ay mga Pilipino pa rin ang nangunguna. Kahima’t tayo ay niyuyurakan ang pagkatao na pawang alila ng ibang bansa ay tayo rin ang nagdadala sa kanila ng Mabuting Balita. Galugarin natin ang mga malalaking barko sa buong daigdig at pawang mga Pilipino lamang ang merong dala-dalang dasalan, rosaryo, bibliya at mga babasahin Kristiyano. Kaya’t sa mga sinulat ni Lukas na ebanghelyo ni Jesus at ang mga Gawa ng mga Apostol ay masasabi ko na sa ating mga Pilipino ito ipinahayag ng sabihin niya Teofilo at mahal na Teofilo ibig sabihin tayong mga Pilipino ang mga tunay na “Theus philos” mapagmahal sa diyos
Sinabi ni Hesus: “Huwag muna kayong aalis sa Je-rusalem. Hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo… di magtatagal ay bibinyagan kayo ng Espiritu Santo”. Kaya’t sa ating lahat ay pawang Espiritu Santo ang gumagabay at nagpapaliwanag. At sa kabila ng mga pagsubok sa ating mga kababayan na naghihirap sa kanilang mga gawain sa ibang bansa ay ating ipanalangin na huwag silang nawalan ng pag-asa. Maging si Pablo ay nagpapa-ala-ala sa atin: ”Mga kapatid. Pagkalooban niya kayo ng Espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya”.
Ngayon ding araw na ito ay ating ipinagdiriwang ang mga bunga ng habilin ni Jesus, ang 43rd world communications day kaya tayong lahat na media people: Diyaryo, mga babasahin, radyo at mga sangay ng telebisyon ay dapat magpasalamat sa Panginoon na gumagabay sa atin. At higit sa lahat ay ating ipanalangin na maging ligtas ang lahat sa panganib lalung-lalo sa ating bansa na hindi matanggap ang katotohanan na ipinahahayag ko laban sa katiwalian.