Dahil kay Dr. Hayden Kho, mapapabilis ang pagpasa ng Anti-Cyber Boso Bill HB 4315 ni Rep. Irwin Tieng o ang Anti-Voyeurism Bill HB 472 ni Rep. Monico Puentevella. Ito ay ang mga batas na nagpapataw ng parusa sa sinumang mag-rerecord ng mga private moments na walang permiso at ang pag-distribute nito sa publiko. Matagal na itong nakabinbin sa mababang kapulungan dala ng dumadaming biktima ng sex video sa cell phone at sa internet. Kung hindi pa pumutok itong Katrina video ay hindi pa sana pag-aaksayahan ng panahon ng mga congressmen na nakatutok pa rin ang atensyon sa Con-ass.
Dahil sa kakulangan ng batas, hindi agad masabi ng mga komentarista kung ano ang posibleng nilabag sa pagkuha at sa pagpakalat ng sex videos. Sa ngayon, ang malinaw na krimen ay ang Violence against wo- men na sakop ng RA 9262 – “conduct causing psychological or emotional distress to the woman”. Biktima si Katrina at ang iba pang mga babae sa mga video. Subalit sino ang may sala?
Si Dr. Kho ang nag-record ng mga nangyari sa bedroom. Kung alam ng kanyang kapartner, siyempre walang problema. Kung hindi ito alam, kamanyakan lang ba o krimen na ang pag-record ng lingid sa kaalaman ng kapartner mo? Siyempre, kapag ito’y pinakalat – ibang usapan. At dapat lang na managot ang mga may kinalaman. Eh paano kung wala ka namang intensyong ipakalat sa madla tapos ninakaw lang ang kopya mo (tulad ng nangyari sa American Actress na si Pamela Anderson) o na-download ng technician nang pinapa-ayos mo ang laptop mo (tulad ng kaso ni HK Actor Edison Chen)? Kriminal na kapabayaan?
Sa insidenteng ito, malinaw na may magbabago sa mga bagay-bagay na nangyayari sa likod ng mga nakakandadong pintuan. Napakalaki na ng impluwensya ng teknolohiya sa unti-unting pag-upos ng ating privacy. Dumating na ang araw na ang ating layang makapamili ay dinidiktahan na lang ng kung anong hindi makukunan ng kamera. Hindi lamang si Katrina at iba pa ang biktima ng ganitong mga insidente. Buong lipunan ang apektado.
Maganda man ang modernisasyon, malinaw na malaki ang singil nito sa ating kalayaan.