Sa aming bintana na noon ay bukas
Ay aking nakita gumuhit na kidlat;
At sinundan iyon ng ulang malakas
Kaya sa nangyari ako ay nagulat!
Noong hapong iyon ako’y nalulungkot
Dahil sa umalis ang mahal kong irog;
Siya ay nagtampo’t tumawid ng ilog
Hindi na babalik sa dampa kong gapok!
Kay lakas ng ulan na sa aking puso
Ang dala’y pighati’t ako’y dinuduro;
Ang tulo sa bubong ay sinahuran ko’t
Pumatak ang luha dahil sa siphayo!
Lalo pang sumama lagay ng panahon
Lumakas ang hangin at bagyo na ngayon;
Ilaw na kandila’y namatay ang apoy
Kaya kalungkuta’y nagkasusun-suson!
Kay panglaw ng buhay na aking sinapit
Nawalan ng sinta panaho’y nagsungit;
Pati ang bunso ko na aliw ng dibdib
Kasama ni mahal nang siya’y umalis!
Sa tindi ng hapis na aking nadama
Sa tulo ng tubig pumatak ang luha;
Marahang nabalik sa aking gunita
Masasayang araw naming pulot-gata!
Hindi ko rin tanto kung bakit umalis
Ang mahal kong mutya at biglang nagalit;
Kaya kalungkutan ay hindi mapatid
Ang kanyang paglayo’y iniisip-isip!
Di naman malaki naging pakukulang
Ang dating trabaho ay napabayaan;
Ang naging breadwinner ay siya na lamang
At doon tatakbo sa inang mayaman!
Posibleng ako lang ngayo’y nalulungkot
Pagka’t naging iba ang mutyang marupok;
Ang pag-ibig niya’y dito ko nasubok –
Dahil may pag-asa trabaho sa abroad!