Doc Willie, tanong ko lang po kung ano ang mapapayo n’yo sa isang depressed na tao. Sobra po akong mag-isip at minsan po ay hindi ako makatulog sa gabi. Pakiramdam ko po pagod na ang puso at isip ko. Sana po matulungan n’yo ako. God bless. Linda
Hi Linda, maraming tao ang malungkot o depressed. Sa katunayan, mga 10% ng Pilipino ay nagkaroon ng depression. Alam kong parang mahirap labanan ang lungkot, pero kailangan malampasan mo iyan. Kaya mo iyan basta pursigido ka. Heto ang mga dapat mong gawin:
1. Magkaroon ng suporta sa pamilya at kaibigan. Maraming depressed na tao ang nakipag-away sa kanilang mga kamag-anak. Parang wala na silang kaibigan. Kailangang maibalik mo ito kahit papaano. Magpakumbaba. Humingi ng tawad. Kausapin ang kaibigan at kung puwede ay makitira sa malapit na kamag-anak.
2. Magbasa, manood at makinig ng masasayang palabas. Huwag manood ng drama, iyakan at horror sa TV o pelikula. Baka lalo ka lang malulungkot. Iwasan din ang panood ng balita sa gabi, dahil puro dugo at patayan lang iyan. Masama iyan sa isipan. Manood lang ng comedy, cartoon at entertainment. May tulong iyan sa depression.
3. Maging abala sa gawain. Magtrabaho at punuin ang oras sa maghapon. Huwag magtambay sa bahay dahil kung anu-ano lang ang papasok sa isipan. Huwag kaawaan ang sarili. Sabihin sa sarili, “Kaya ko iyan. Magsasaya ako!”
4. Mag-exercise at kumain ng tama. Kahit tinatamad ka ay subukan mong gumalaw-galaw. Mag-biking, jogging o maglakad sa mall. Kumain ng mga masustansyang prutas at gulay. Puwede kang uminom ng Vitamin B complex na pampagana kumain at pampasarap ng tulog.
5. Umiwas sa sigarilyo, alak at iba pang bisyo. Walang kabutihang maidudulot ito. Lalo lang titindi ang iyong depression.
6. Tumulong sa iba. Bumisita sa maysakit. Nakasasaya ng ating damdamin ang pagtulong sa ibang tao. Tumulong sa mga mahirap, maysakit, nakakulong at matatanda. Ito ang sikreto ng kasayahan. Piliting tumulong sa iba, at unti-unting matatanggal ang depression mo.
7. Magdasal sa Diyos. Ano ba ang problema? Ano ba ang kailangan mong ayusin sa iyong ugali? Kadalasan ay tayo rin ang dapat magbago. Aminin natin ito at humingi ng tulong sa Diyos. Ipasa natin ang ating problema at hinanakit sa kanya. Kaya Niyang ayusin ang ating buhay at tanggalin ang lungkot.
8. Hindi ko agad pinapayo ang pag-inom ng anti-depressant dahil may side effect ito. Kapag malala talaga ang depression, puwedeng magpatingin sa psychiatrist. Pero naniniwala akong kaya mong labanan iyan, kaibigan. Good luck!