Tag-araw na ngayon dapat walang ulan
Dapat ay tuyo rin ang lupa’t halaman;
Pero bakit kaya sa katag-arawan
May kidlat, may kulog – malakas na ulan!
Ito’y nagaganap sa lugar po namin –
Sa Southern Tagalog madalas kulimlim;
Sa dakong umaga araw ay masanting
Sa dakong pahapon biglang nagdidilim!
Kasunod ng dilim ay kulog at kidlat
At kasunod noo’y biglang sasambulat
Banayad na hangin at ulan malakas
Dahil tag-ulan nga kagila-gilalas!
Ang dala ng ulan malakas na baha
Basura at yagit ay taboy pababa;
Okey lamang ito pero ang masama
Bahay ng mahirap ang nasasalanta!
Aywan ko nga lamang kung sa ibang lugar
Panahong ganito’y siyang umiiral?
Kung hindi ganito ay dapat pagtakhan
Tag-araw na ngayon – umuulan umaaraw!
Dine nga sa amin pook ng Tagalog
Kahi’t umaaraw may ulan at kulog
Sariwa sa amin sa inyo’y tagtuyot
Dulot ng panahon – kaloob ng Diyos!
Sabihin man nating kung kaya ganito
Dahil global warming na dama sa mundo;
Kaya ang climate change ay likha rin ito
Nitong Diyos Amang lubhang matalino!
Kung diyan sa inyo’y mainit ang araw
At dine sa amin ay ulan ng ulan –
Sa ami’y mabuti itong kalagayan
Patubig sa bukid lubhang kailangan!
Kung diyan sa inyo’y madamot ang ulan
Pasens’ya na kayo’t ngayon ay tag-araw;
Sa ami’y salamat ang palaging sigaw
Sapagkat sa tubig sisibol ang palay!