MALAKI ang napapakinabang noon sa gobyerno ni Rodolfo “Noel” Lozada. Malaki ang kanyang suweldo sapagkat consultant siya sa national broadband network (NBN) na ang ZTE Corp. ang nakakopo ng project. Binigyan siya ng sariling opisina, iba’t iba at mamahalin ang kanyang sasakyan, ang kanyang mga anak ay nagsisipag-aral sa mga ekslusibong eskuwelahan. At siyempre, marami siyang kaibigan. Kabilang sa kanyang mga kaibigan at kakilala si Mike Defensor, Romulo Neri, Manuel Gaite, Comelec chairman Benjamin Abalos at marami pang iba na pawang kaalyado ni President Arroyo. Pare-pareho silang mga taong gobyerno at kabisado nila ang bawat isa. Mga matatalinong tao at may sari-sariling balakin.
Pero nagbago ang lahat nang biglang sumambulat ang tungkol sa $329-million NBN-ZTE deal. Bumulwak sa sariling bibig ni Lozada ang mga anomalyang nakapaloob sa NBN-ZTE. Maraming nagulantang nang biglang “kidnapin” si Lozada nang bumaba sa eroplano mula sa Hong Kong. Ang kasunod ay ang mahabang kuwento na nakapaloob sa makontrobersiyang NBN-ZTE deal.
Ibinulgar ni Lozada ang “tongpats” at ang pagiging broker umano ni Abalos sa NBN-ZTE deal. Ayon pa kay Lozada, sinabi raw ni Abalos, “Sec. may 200 ka rito”. Walang tapang na isinangkot ni Lozada si First Gentleman Mike Arroyo sa scandal. Maraming beses siyang ipinatawag ng Senado ukol sa hearing ng NBN-ZTE deal. Siya ang itinuring na key witness sa scandal. Nagsasabi umano siya ng katotohanan.
Ngayon, si Lozada na lamang ang pinag-uusapan. Siya na rin lamang ang maaaring mabulok sa bilangguan. Noong Huwebes ay inaresto si Lozada ng Manila Police District (MPD) dahil sa perjury. Ang warrant of arrest ay inisyu ng Manila Metropolitan Trial Court. Ang pag-aresto kay Lozada ay kaugnay sa perjury complaint na isinampa ni dating presiden-tial chief of staff Michael Defensor. Tumangging magpiyansa ng P6,000 si Lozada.
Pero magtagal man sa bilangguan si Lozada o mabulok doon, iisa lamang ang kalalabasan, wala ring nangyari sa kanyang pagngawa. Sarado na ang NBN-ZTE deal at walang nakaaalam kung mabubuksan pa sapagkat wala na rin ang mga senador na pursigido noon. Nasaan na ang “tongpats”? Nasaan na si Abalos? Ang iba pang personalidad na kasangkot ay may magandang puwesto sa gobyerno. Tanging si Lozada ang natitira at nasa karsel pa. Siya ang tiyak na magdurusa dahil sa “pagkanta”.