KAHAPON, libu-libong manggagawa ang nagtipon sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang kalampagin ang pamahalaang Arroyo. Naging pangunahing isyu sa mga kilos protesta ay ang karagdagang trabaho at pasahod. Labis na ang paghihirap ng sambayanan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.
Libo-libo na ang nawalan ng trabaho dahil sa global financial crisis, maraming OFW na ang pinauwi. At dahil sa kawalan ng hanapbuhay ay laong dumami ang mga nagugutom. Ang tanging paraan lamang ng mga gutom na kababayan ay mag-ingay sa mga lansangan at baka marinig ng pamahalaan ang kanilang pangangailangan.
Labis-labis na ang paghihirap ng mga Pinoy subalit sa tuwing may imbestigasyon sa Senado at Kongreso, milyon-milyon na tongpats ang pinag-uusapan na ninakaw sa pamahalaan. Katulad na lamang sa sinapit ni ZTE star witness Jun Lozada na kasalukuyang nakapiit sa Warrant Section ng Manila Police District Headquarter sa salang perjury. Malaki kasi ang pagkakamali ni Lozada nang tumayong witness sa hokus-pokus na ZTE deal kaya siya ngayon ang nagdurusa. Walang maipakitang dokumento si Lozada kung kayat puro hearsay ang kanyang pagbubulgar.
Ang masakit pa rito, tinalikuran na siya ng mga senador na kanyang pinagkatiwalaan matapos na makakuha ng pogi point noong Senate hearing. Nasaan ang mga senador na sumakay noon para kubkubin ang tongpats sa ZTE. Bakit di nila mabigyan ng proteksyon si Lozada? Bakit si Lozada ang dapat makulong gayong lahat ng kanyang nalalaman ay naipasakamay na sa mga senador.
Kaya sa mga nagnanais na maging state witness mag-isip muna nang maraming beses. Isa lamang si Lozada na nagdurusa sa loob ng selda. Marami pang testigo ang patuloy na nagtatago matapos talikuran sila ng kanilang mga handler. Ang masakit pa nito, habang naghihimas ng rehas si Lozada at namamaos sa kasisigaw ang mga manggagawa sa lansangan, nakangisi naman ang mga halal ng bayan at Cabinet members sa Las Vegas, Nevada at nanonood ng laban ni boxing champ Manny Pacquiao at Ricky Hatton.
Nalibre na naman ang kanilang pamasahe at bayad sa hotel. Tiyak na nahakot na naman nila ang salapi ng bayan sa biyahe. Bilyong dollars na naman ang kanilang kinupit sa naghihikahos na mamamayan. Ipagdasal nating manalo si Paquiao kay Hatton. Ang tagumpay ni Paquiao ay tagumpay ng sambayanang Pinoy.