KASO ito ni Al na kandidato sa pagka-barangay chairman. Kalaban niya si Mon. Naganap ang election noong Hulyo 15, 2002. Matapos bilangin ang mga boto, pinroklama ng Board of Canvassers si Al na panalo. Nakakuha siya ng 614 na boto laban sa 609 na nakuha ni Mon.
Hindi matanggap ni Mon ang pagkatalo at nagsampa ng protesta sa korte. Ayon sa kanya, may 10 balota raw ang hindi binilang ng teller pabor sa kanya dahil hindi pa ito pamilyar sa rules on appreciation of ballots. Matapos iutos ng korte na bilangin muli ang boto, lumabas na 616 ang nakuhang boto ni Mon at 614 lang si Al. Kaya pinawalang-bisa ng korte ang proklamasyon ni Al at dineklarang si Mon ang legal na nanalo.
Dineklara ng pangalawang dibisyon ng Comelec na tama ang desisyon ng korte lalo sa anim na balota na may nakalagay na pangalang “Mon” sa unang linya. Kinuwestiyon ito ni Al. Ayon sa kanya, kontra raw ang desisyon ng korte at Comelec sa mga naunang desisyon sa ganitong kaso. Malinaw na inabuso ng Comelec ang kapangyarihan nito at dapat na ituring na stray votes lamang ang anim na balota. Tama ba si Al?
MALI. Ang talagang layunin ng batas ay maintindihan o mabigyang linaw ang tunay na saloobin ng bumoto. Tanging ang Comelec lamang ang makapagdedesisyon sa bagay na ito. Sa kasong ito, ginagamit ang tinatawag na neighborhood rule. Base ito sa patakarang ginawa ng House of Representatives Electoral Tribunal na tinutukoy sa ekspresyon sa pagbasa ng balota kung saan ang lahat ng pangalan ng binoto ay wala sa lugar.
Sa mga kasong ganito ang mga botong wala sa lugar ay binibilang din sa kandidato para sa puwestong tinakbuhan nila dahil maliwanag naman ang intensyon ng botante tungkol dito. Ayon ito sa doktrinang dapat basahin ang balota ng liberal upang isaalang-alang ang kagustuhan ng botante.