DAHIL umusad na ang mga kilos para amyendahan ang Saligang Batas, nagsalita na ang mga propesor ng UP College of Law, isa sa mga tanyag na paaralan ng abogasya. At ang kanilang isang tinig ay walang basehan sa batas ang dalawang kilos na nagaganap ngayon sa Mababang Kapulungan, at bunga lang ng masasamang payo ang patuloy na pag-usad nito. Sa madaling salita, ilegal ang mga kilos, kaya hindi dapat ipagpatuloy pa. Pero dahil napakahalaga para sa mga kaalyado ng administrasyon ang amyendahan ang Saligang Batas, pilit na isinusulong pa rin ito.
Oo, puro mga kaalyado lang ng administrasyon ang pilit na gustong umusad ang Cha-cha. At kahit ano pang garantiya nila na hindi ang pagpapalaganap ng termino ng sinomang opisyal, kasama na ang Presidente, ang kanilang pakay, wala pa ring naniniwala sa kanila. Bakit naman tayo maniniwala sa kanila? Ang lapit na ng eleksyon, halos isang taon na lang, pero pinipilit pa rin ang Cha-cha na nagtamo na ng ilang hugis sa mga nakaraang taon. Kung wala silang mga maiitim na balak ukol sa termino ng Presidente, bakit hindi na lang isulong iyan pagkatapos ng eleksyon? Bakit kailangan ngayon pa?
At nandiyan pa ang pagdagdag ng ilang mga kongresista sa bilang nila. Hindi pa nga tayo sigurado kung ano ang katayuan nila sa Cha-cha, maliban na lang sa mga katulad ni Palparan at kapatid ni Mike Arroyo. Tapos itatanong pa nila kung ano naman daw ang masama sa apat na Arroyo sa Kongreso? Kahit pipi siguro masasagot iyan!
Napakaraming problema ng bansa ang kailangang tutukan. Mga problema sa siyudad tulad ng basura at baha. Mga problema sa reporma sa lupa. Mga problema sa kalusugan at gaano na kamahal ang mga magpagamot kahit para lang sa mga simpleng sakit. Pati na rin mga anomalya na tila iniiwasan ng Kongresong ito at Cha-cha pa ang gustong trabahuhin! Makapaghihintay ang Cha-cha.
Hindi sasama ang sitwasyon ng bansa kung hindi isulong ito. Sa katunayan, dahil marami ang tutol dito, mas gugulo ang bansa kapag tuluyang pinilit isubo sa mamamayan ang lasong ito. Kung talagang mga kinatawan ang mga Kongresistang ito ng mga balwarte nila, pakinggan nila ang damdamin ng mamamayan.