Dear Dr. Elicaño, hiling ko po sana na ang tungkol naman sa typhoid fever o tipus ang i-topic mo. Ako po ay isang ina na may dalawang anak na maliliit pa at laging may lagnat. Sa pagkaalam ko, kapag mataas na mataas ang lagnat ay maaaring magkatipus. Salamat po nang marami. —DIGNA ng Socorro, Or. Mindoro
Minsan ko nang naging topic ang tungkol sa tipus. Siguro e hindi mo nabasa o maaring hindi nakabili. Sana ay regular ang Pilipino Star NGAYON sa Or. Mindoro para mabasa mo nang palagian.
Nagkakaroon ng tipus dahil sa bacterium na nakatira o nananahan sa maruming tubig. Kapag nainom ang tubig na may bacterium magsisimula na ang atake ng tipus. Depende sa dami ng organisms na nalunok kung gaano kabilis lumabas ang sintomas. Kadalasan, may mga carrier na ng tipus pero walang makita sa kanilang sintomas.
Ang mga sintomas ng tipus ay ang pananakit ng ulo, kasu-kasuan, tiyan, sore throat at pagdurugo ng ilong. Makararanas ng pagkauhaw, pagtatae na may kahalong dugo at pagkakaroon ng rashes sa tiyan at dibdib.
Kapag sobra na ang taas ng lagnat ng may tipus, manghihina siya at halos hindi makabangon. Isang delikadong mangyari ay ang paghina ng tibok ng puso. Maaaring magkaroon din ng anemia, enlargement ng spleen, blood changes at pagkakaroon ng protein sa urine. Ang iba pang kumplikasyon ay ang pneumonia, acute hepatitis, cholecystitis, meningitis, tissue abscesses, endocarditis at kidney inflammation. Maaaring ikamatay ang mga kumplikasyong ito.
Binibigyan ng antibiotics ang may tipus. Maaaring ibigay ang chlorampenicol, ampicillin, ceftriaxone at cefoperazone.
Hindi kakalat ang tipus kung pananatilihin ang kalinisan. Kung malinis walang tipus. Magsabon at maghugas mabuti ng kamay pagkatapos gumamit ng comfort room. Dapat ma-sterilized ang clothing and beddings ng pasyente.
Magpabakuna laban sa tipus. Magpahingang ma- buti ang pasyente upang madaling makarekober sa tipus.