Tatlong mahalagang leksiyon sa buhay

NU’NG final exam ko sa philosophy sa college, kakaiba ang huling tanong: “Ano ang pangalan ng janitress natin.” Nang i-submit namin ang papeles, tinanong ng isang kaklase kung counted ‘yung huling tanong. “Siyempre may points,” anang propesor. Nabatid na halos lahat kami’y walang sagot. “Marami kayong makikilalang tao sa buhay niyo,” patuloy ng propesor, “bawat isa sa kanila ay may sariling halaga sa inyo. Kapalit nu’n, bigyan ninyo sila ng atensiyon, miski isang ngiti o kumusta man lang.” Hindi ko nalimutan ang pangaral. At ang pangalan ng aming janitress ay Mariana.

Isang gabing bumabagyo sa America nu’ng dekada-60, may isang Negra sa tabi ng highway. Nasiraan ng kotse at basang-basa ang damit, kumakaway siya ng tulong sa mga dumaraan. Hinintuan siya ng isang bina­tang puti, na tila walang pakialam sa racial tension ng pana­hong ‘yon. Inihatid siya sa bayan, tumawag ng mekaniko, at isinakay siya sa taxi. Nagmamadali ang babae, pero hindi niya kinalimutang kunin ang address ng sumaklolo. Makalipas ang isang linggo, may kumatok sa apartment ng binata. Delivery ng isang giant color TV. Kalakip ang liham: “Maraming salamat sa pagtulong mo sa akin nu’ng gabing ‘yon. Halos malusaw na ng ulan ang pag-asa ko, nang dumating ka. Dahil sa iyo, inabot ko pang buhay ang naghihingalo kong asawa. Pagpalain ka ng Diyos. Sincerely yours, Mrs. King Cole.”

Noong mura pa ang ice cream, may pumasok na bata sa parlor at nagtanong sa waitress kung magkano ang special sundae. “Singkuwenta sentimos.” Tiningnan ng bata ang mga barya sa bulsa at marahang binilang. “E kung regular ice cream lang, magkano po?” tanong niya. Naiinip ‘yung waitress at humahaba na ang pila ng customers, kaya medyo pa­singhal ang sagot ni­yang, “Trenta’y singko sen­timos, bilisan mo nang pumili.” Umorder ang bata ng regular at kumain. Nang baya­ran niya ang bill, ini­wan niya ang buong sing­kuwenta sentimos. Napa­luha ang waitress nang mabatid: Kaya pala regular na lang imbis na sundae ang inor­der ay para ma­bigyan siya ng tip na kinse sentimos.


Show comments