MAY bagong kampanya si anti-”sick books” crusader Dr. Antonio Calipjo Go. Kinukutya niya ngayon ang Department of Education sa pagbili nu’ng Marso ng 19,418,880 pakete ng instant noodles nang P427,215,360. Lumalabas na P22 kada pakete, gayong P5-P15 lang ang tingi, depende sa tatak at flavor.
Para sa Dep-Ed feeding program ang pagbili; tumatalas ang isip sa masustansiyang pagkain. Pero tama si Go: aksaya ang pagbili. Mahigit 19 milyon ang public school pupils, kaya ubos ang noodles sa isang kainan. Miski ba “fortified instant noodles with fresh eggs and malunggay,” hindi sapat ang isang meryenda para humusay sa klase ang mahirap na bata.
At di ba lahat ng noodles ay may itlog, giit ni Go, kaya bakit sinabi pang “fresh eggs” sa bidding notice? Bibigyan ba ng sariwang itlog bawat bata? Lumitaw ang sagot sa isang panayam sa DZMM nu’ng Miyerkoles. Anang isang talunang bidder, isiningit ang “eggs” para ma-disqualify sila lahat, maliban sa isang paboritong supplier — na siyempre pinapanalo.
May anomalya sa halaga, ani Go. Dapat may bulk discount ang pagbili ng Dep-Ed. Pero ang P22 unit cost ay apat na beses mas mahal kaysa presyong tindahan. Ikalawang pagbili na ito ng Dep-Ed. Nu’ng Okt. 2007 umorder ng P284,127,840 instant noodles — malamang overpriced din.
Nu’ng Agosto 2008 bumili ang Dep-Ed ng 50 milyong tableta ng ferrous sulfate sa halagang P5 milyon, 500 otoscopes sa P1 milyon, at 75,000 sachet ng “chrorella” shampoo (ano ‘yun?) sa P900,000 — kabuuang P6.9 milyon. Kumontrata rin ang Dep-Ed nang P10,150,000 ng parehong items nu’ng Disyembre 2007. Sa naunang pagbili, P900,000 din ang 150,000 sachet ng chrorella shampoo, o P6 ang isa. Kaya ang tanong ni Go, bakit dumoble ang presyo sa P12 ang isa makalipas lang ang walong buwan?
Kabuuang P728 milyon ang winaldas ng Dep-Ed sa apat na pagbili—animo’y P728-milyong fertilizer fund scam nu’ng 2004 elections. Pero ang punto ni Go ay: “Ano ang kinalaman nito sa edukasyon? Mapapalitan ba ng makintab na itim na buhok ang ulo na walang utak? Di ba dapat ang nilalamanan ng Dep-Ed ay utak at hindi tiyan?”