ILANG mga disgrasya kung saan sangkot ang sasakyang panghimpapawid ang naganap noong nakaraang linggo. Sa pagbagsak ng isang Bell 412 na presidential helicopter, walo ang namatay, kasama mga miyembro ng Gabinete ng Pangulong Arroyo. Ikinalungkot ito ng Pangulo at ng kanyang pamilya, dahil malapit sila sa mga nasawi. Nakikiramay ako sa mga kapamilya ng mga nasawi. Sa pagsusulat nito, hindi pa matiyak kung nasaan naman ang isang eroplanong pag-aari ng Chemtrad na nawawala magmula pa noong isang linggo. Napakalago kasi ng ating kagubatan kaya hindi ganun kadali humanap ng isang eroplano o helicopter kapag bumagsak na sa gubat.
Dahil sa mga aksidenteng ito, hindi ba dapat magka-roon rin ng imbestigasyon katulad ng ginawa nang lumubog ang MV Princess of the Stars? Kung gusto nating maging mahigpit ukol sa paglalayag ng mga pampasaherong barko, hindi ba dapat ganundin sa mga sasakyang panghimpapawid? Dapat hindi na rin pinapayagang lumipad, kapag may peligro ng masamang panahon ang ruta ng isang eroplano o helicopter. Ganun din ang nangyari kay John Kennedy Jr., nang pinilit niyang magpalipad gamit ang isang pribadong eroplano. Bumagsak din ito dahil sa sama ng panahon, at patay ang tatlong pasahero nito. Sa dagat naman ito bumagsak.
Masamang panahon ang binibintang sa pagbagsak ng Presidential Bell 412, dahil maayos naman daw ang helicopter, at mga beterano na ang mga piloto. May nakausap pa umano ang isa sa mga pasahero at nagpahayag na lumilipad na raw silang bulag, o wala nang makita sa paligid nila dahil sa pagbago ng panahon. Kaya malamang ay may tinamaan ang helicopter bago tuluyang bumagsak. Sa eroplano naman ng Chemtrad, hindi matiyak kung ano ang nangyari.
Kilala ang pilotong Pilipino sa buong mundo na magaling, kaya madali silang makakuha ng mga trabaho sa kahit anong sulok ng mundo. Pero iba na ang pinag-uusapan kapag masamang panahon na ang kakalabanin mo. Dapat ay masinop ang pag-uulat sa mga lilipad na eroplano ukol sa dadaanan nilang mga ruta, nang hindi malagay sa alanganin. Nakakalungkot ang mga pangyayaring ito, dahil mahalaga ang avyasyon sa bansa. Kung magkakabahid rin ito tulad ng nangyari sa paglalayag sa dagat, hihina na naman ang turismo at pangangalakal ng bansa. At iyan ang hindi natin kailangan, lalo na ngayon! Pinakaligtas na pamamaraan pa rin ang bumiyahe sa eroplano. Kaya kailangan ay mapatunayan natin na ito’y totoong-totoo.