Sanay sa hirap

MAY nakakuwentuhan akong kaibigan na galing Amerika, na nandito para magbakasyon. Bilib nga siya sa Pilipinas na parang walang krisis na nagaganap dahil puno pa rin ang mga mall, puno pa rin ang mga resort, puno pa rin ang mga bakasyunan. Di tulad daw sa Amerika, na parang mamamatay na raw sila dahil sa pagbagsak ng stock market, at mga eskandalo katulad ng Lehman Brothers, AIG, at si Bernard Madoff. Ang mga mall hindi na raw ganun ka-puno, maraming naka-sale na tindahan para maka­benta lang, at masama ang disposisyon ng mga tao na karamihan mga puti.

Kapansin-pansin na nga ang mga bumibigay na tao na namamaril na lang, gawa na rin ng stress at depresyon. Marami ang kumukonsulta sa mga duktor, dahil sa kalagayan nila. Ang sabi ko naman sa kaibigan ko, lagi naman tayong krisis sa Pilipinas kaya sanay na tayo. Mga mayayaman naman ang tinamaan kung sakaling may mga pera din silang pinasok sa mga kumpanyang binanggit ko, pero hindi sapat para magunaw na rin ang mundo nila. 

Sanayan lang talaga. Mga Amerikano kasi ay sanay sa masarap na buhay. Noong maganda ang ekonomiya nila, kaliwa’t kanan ang gastos, puro utang dahil napa­kababa ng interes at napakatagal ng bayaran sa Amerika. Kaya nung gumuho lahat iyan, gumuho na rin mga mundo nila. At ang taong sanay sa masarap na buhay ang maaapektuhan talaga ng krisis. Marami ring mga “eks­perto” ang nagsabing maganda ang sitwasyon ng Pilipinas para malipasan ang krisis.

Ang mahirap lang ngayon, tumataas na naman ang presyo ng gasolina. Malaki ang naitulong ng murang gasolina sa mga negosyo. Pero ilang pagtaas na naman ang naganap dahil daw sa pagtaas ng presyo ng langis sa pamilihang pandaigdig. Kung magpapatuloy itong pagtaas ng presyo, at walang gagawin na naman ang gobyerno, mararamdaman natin ang krisis. Nakaantabay ang mga grupong transportasyon sa galaw ng presyo, na siguradong sasabayan ng pagtaas ng pamasahe.

Maaaring sanay na nga tayo sa krisis. Pero hindi rin iyan dahilan para maging kampante na lang. Marami rin ang nagsasabi na hindi pa ito ang matinding tama ng krisis. Baka itong napapansin ng kaibigan kong balikbayan ay para sa kasalukuyang panahon lang. Ang importante ay maging handa. Sanay tayo sa hirap, kaya sa ngayon ay hindi kailangan ang luho.

Show comments