NAGSALITA na si Supreme Court Chief Justice Reynato Puno ukol sa namamayaning corruption sa bansa. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang chief justice ay nagsalita ukol sa katiwalian. Aniya, isa nang “pariah” ang tingin ng international communities sa Pilipinas dahil sa malawak na corruption sa pamahalaan. Kahit saan daw lugar sa pamahalaan ay laganap ang katiwalian, maging sa publiko at pribado. Nagsalita si Puno sa paglulunsad ng moral force movement sa Manila Episcopal Area of the United Methodists Church (UMC) in the Philippines kung saan isa siyang miyembro.
Hindi na nakatiis ang chief justice at mariing sinabi na maraming winawasak ang corruption sa bansa. Kabilang aniya rito ang lahat ng institutions, pinahihina ang seguridad at dahilan para bumagal ang pag-unlad ng ekonomiya. Hinahadlangan ng corruption ang mga hakbangin ng bansa. At sabi pa ni Puno, malulutas lamang ang problemang ito ng gobyerno sa pamamagitan ng moral force. Dapat aniyang magkaisa ang lahat para malabanan ang corruption.
Ang problemang corruption ay matagal nang namamayani sa Pilipinas. Tama ang sinabi ni Puno na sinisira nito ang institutions at pinahihina ang pundasyon kaya naman hindi makagalaw ang ekonomiya. Ang corruption din ang dahilan kaya maraming naghihirap sa kasalukuyan. Sinisimot ng mga matatakaw ang pera sa kaban at wala nang natitira para gamitin sa kapakinabangan ng taumbayan. Maraming maysakit na namamatay na lamang na hindi makatikim ng gamot, hindi rin sila madala sa ospital sapagkat walang maipangdedeposito. Kailangan pang pumila ang mga maysakit para maadmit sa mga ospital ng gobyerno.
Nagkakaroon naman ng mga imbestigasyon ang Senado ukol sa nangyayaring corruption pero hanggang imbestigasyon lamang at walang makitang tiwaling opisyal na naitatapon sa kulungan. Pawang nakalulusot ang mga “matatakaw na buwaya” at mag papalamig lamang para muling sumalakay sa kaban. Pabalik-balik lang sila. Paitlog-itlog. Walang pagkaubos.
Tama ang sinabi ni Puno na dapat magkaisa at labanan sa pamamagitan ng moral force ang katiwalian. Pero mas mabuti kung magiging marahas ang batas laban sa mga tiwali. Katulad sa ibang bansa, na isinasalang sa bitayan ang mga magnanakaw. Madaling nililitis ang kaso at ilang buwan lang ay iniaakma na ang lubid sa leeg o ang espada na ibabagsak sa ulo.