Walang pakialam

Isa na namang kriminal na siyang utak sa likod ng pag­­patay ng dalawang magkasintahan noong taong 1990 ang binigyan ng mas maikling sentensiya ng Pa­ngulong   Arroyo. Si Rodolfo Manalili, na siyang nag-utos na patayin sina Cochise Bernabe at Beebom Castaños, kahit hindi naman sila ang tunay na gustong ipadampot ni Manalili, ay maaaring palayain na raw base sa reko­mendasyon ng Board of Pardons and Parole. Nagkamali ang mga inutu­sang bobong pulis na dumampot sa dalawa sa tapat ng isang kainan sa Timog. Pero dahil kilala ni Beebom si Ma­nalili dahil tiyo niya, pinapatay na rin sila! Ang tunay na target ni Manalili ay ang boyfriend umano ng kanyang hiwalay na asawa. Pero si Cochise Bernabe ang pinag­kamalan nung mga pulis. May mga ulat na gina­hasa pa raw si Beebom Castaños bago ito pinatay ng mga du­mam­­pot sa kanila. Natagpuan ang kanilang mga bang­kay dala­wang buwan matapos silang damputin. Nahuli ang lahat ng salarin, pati mga demonyong pulis, noong 1991 at naha­tulang may sala at sinentensiyahan ng dala­wang panghabang-buhay na pagka­kulong. Iyong tat­long pulis ay tatlong panghabang-buhay na pagka­kulong ang sentensiya.

Wala na talagang pakialam ang Pangulo sa mga dam­damin ng mga biktima ng mga kasuklam-suklam na kri­men. Ang mahalaga lamang ay lumabas na siya ay isang mapagpatawad na Pangulo. Parang sine nga, na ang pangunahing kontra-bida ay pinakakawalan rin ang mga iba pang matitinding kriminal, para maghasik ng lagim sa lansangan bilang ganti sa pagkukulong sa kanila. Napakatindi ng krimen na ito. Mistaken identity pa pala! Pero dahil nandiyan na, pinatay pa rin at ginahasa pa! Iyan ba ang klaseng tao na nais ibalik ng Pangulo sa sirkulasyon? At bakit? Dahil Cabalen din?

Napapanahon na mapag-usapan itong kasong ito, dahil na rin sa pagkabuhay ng Dacer-Corbito double murder case. At katulad sa kaso nina Cochise at Beebom, mga pulis rin ang inarkila’t inutusan para gumawa ng krimen.

Paano na talaga mababago ang imahe ng pulis, na pwede palang mag-sideline na mamamatay-tao? Ano naman kaya ang pakiramdam ni Mayor Alfredo Lim, na siyang humuli kay Manalili sa Australia noong nasa NBI pa siya? Sa administrasyong ito, mabuti pa ang kri­minal at napapatawaran at napapaiksi ang sentensiya, habang ang mga kamag-anak ng mga patay na biktima ay wa­lang magawa kundi maghinagpis na lang.

Show comments