Dear Doc Willie, sana ay maisulat mo sa iyong column ang tungkol sa UTI. Madalas kasi ako magkaroon ng impeksyon sa ihi. Ayaw ko naman uminom ng gamot dahil mahal ito. Ano ang gagawin ko? Salamat, Luz.
Hi Luz. Maraming kababaihan ang may UTI o Urinary Tract Infection. Ang impeksyon ay nanggagaling sa ating pantog (bladder) at daanan ng ihi (urethra).
Ang pangkaraniwang dahilan ng UTI ay ang mga ito: (1) kulang ang iniinom na tubig, (2) mali ang paghuhugas sa puwerta (vagina), at (3) laging nagpipigil ng ihi.
Ano ang sintomas ng UTI? May taong walang nararamdaman. Ang iba naman ay may pananakit sa bandang pantog, lalo na sa dulo ng pag-ihi. Parang mahapdi ang pakiramdam kapag lumalabas ang ihi. Isa pa, madilaw at may amoy din ang ihi.
Madaling malaman kung ika’y may UTI. Magpa-check lang ng urinalysis. P50 lang ito. Kung positibo sa UTI, dapat itong gamutin.
Ano ang gamutan sa UTI?
1. Uminom ng antibiotic ng 3 araw. Ang pinakamura ay ang Amoxicillin 500 mg na tableta 3 beses sa maghapon. Halagang P5-P10 lang ang generic nito. Inumin ito ng 3 araw hanggang mawala ang UTI. Kapag hindi gumaling sa Amoxicillin, puwede tayong sumubok ng mas mahal na gamot tulad ng Ciprofloxacin 500 mg na tableta, 2 beses maghapon.
2. Uminom ng 8 hanggang 12 basong tubig sa isang araw. Kailangan mong uminom nang maraming tubig para mabawasan ang bacteria sa ihi.
Paano iiwas sa UTI?
1. Tulad ng nabanggit, uminom ng 8 hanggang 12 ba song tubig sa maghapon. Ugaliing uminom ng 1 o 2 basong tubig bago kumain. Mabubusog ka at papayat ka pa.
2. Huwag pigilin ang iyong ihi. Pumunta sa banyo palagi.
3. Pagkatapos umihi, maghugas ng puwerta.
4. Pagkatapos dumumi, dapat din turuan ang mga babae na magpunas ng tissue pataas sa puwit. Huwag magpunas ng dumi paharap at baka pumunta ang dumi sa puwerta ng babae. Ito ang isang dahilan ng UTI.
5. Pagkatapos mag-sex, piliting umihi ng isang beses. Huwag muna matutulog at baka umakyat ang impeksyon sa iyong pantog. Ang tawag ng doktor dito ay Honeymoon Cystitis.
6. Walang masama sa pag-inom ng buko juice o Cranberry juice. Baka makatulong din ito sa UTI.
Simple lang ang pag-iwas sa UTI, (1) uminom nang maraming tubig, at (2) maging malinis sa pag-ihi, pagdumi at sa buong katawan. Good luck po.