MAAARING ibinabando ni Sen. Ping Lacson dito sa Pilipinas na gusto niyang makauwi sa bansa ang dating tauhan niya na si dating Supt. Glen Dumlao subalit iba ang ginagawa niya sa US kung saan nilalabanan ng huli ang kanyang extradition case. Nakakuha tiyak ng pogi points si Lacson sa pagbando niya na dapat makauwi sa bansa si Dumlao para ituwid nga na wala siyang kinalaman sa pagpaslang kina publicist Salvador Dacer at driver niya na si Emmanuel Corbito.
Subalit kung abot-langit ang suporta ni Lacson sa pagbalik ni Dumlao sa bansa, taliwas naman ang ginagawa ng mga supporters niya sa US na namonitor ng gobyerno na tumutulong ke Dumlao para manatili siya sa US nga. Ang tinutukoy ng mga kausap ko sa MPD ay sina Lerma Facto na business associate ni Lacson at alyas Jay. Itong sina Facto at Jay ay namataan sa California kung saan nakabase sa ngayon si Dumlao. Kinu kumpirma pa ng gobyerno kung sina Facto at Jay ang nasa likod ng $100,000 bail ni Dumlao sa US court.
At may balita pang kumakalat sa MPD na si Lacson ay patagong nakikipagkita sa asawa ni Dumlao na si Juliet. Kasi nga may intelligence report na itong pagiging guest ni Lacson sa Cabatuan, Isabela kamakailan ay smokescreen lang ng meeting nila ni Juliet, na tubo naman ng malapit na bayan ng Cabagan. Matapos kasi ang forum niya sa mga empleado ng munisipyo, si Lacson ay na-monitor ng intelligence operatives na nag-check-in sa Amity hotel kung saan nagpalipas siya ng gabi.
At kinabukasan nga, nagkaroon ng breakfast meeting sina Lacson at Juliet. Matapos ang pag-uusap nila ni Lacson, si Juliet ay na-monitor na nagpa-interview sa isang radio station kung saan inihayag niya ang linya ng kampo ni Lacson na gusto niyang makabalik sa bansa ang kanyang asawa. Mino-monitor sa ngayon ng gobyerno kung si Juliet din ang ginagamit ni Lacson para iparating ke Dumlao sa US ang mga messages ng una. Ano ba ‘yan? Hehehe! Ingattt!
Hindi lang ‘yan. Noong Marso 12 at 13 nakita rin si Lacson na kausap si Juliet sa isang lugar malapit sa Narag hospital, ayon sa mga kamag-anak ng asawa ni Dumlao. Sa tingin ng mga kausap ko sa MPD kasi, si Dumlao na ang huling baraha ni Lacson para maiwasan niya ang kulungan. Maliwanag na hindi na niya kayang diktahan ang isa pang dating bata niya sa PAOCTF na si Sr. Supt. Cesar Mancao na nagbigay na ng affidavit na itinuturo si Lacson na siyang nagmando para utasin sina Dacer at Corbito.
Kaya ginagawa ng kampo ni Lacson na hawakan si Dumlao kasi kapag sinang-ayunan niya ang testimonya ni Mancao, tiyak swak si Lacson sa karsel, di ba mga suki? At goodbye na din sa presidential ambition ni Lacson. Kaya kung anu-anong isyu na lang ang ibinabato ni Lacson sa Palasyo para makuha niya ang simpatiya ng sambayanan. Sa pagdating ni Mancao sa bansa, tiyak lalabas ang katotohanan. Abangan!