Mga pagbabago’y hangad nang marami
Nagsisigawan pa sa gitna ng kalye;
Ang akala nila — hangari’y mabuti
Pero itong bansa ang naduduhagi!
Ang gusto ng iba tayo ay mag-aklas-
Rebolusyon. Rebolusyon! Sigaw na malakas;
Kung ito ang nais bansa’y mawawasak
At lalong darami lumuluhang anak!
Kung tayo’y sasali sa mithing ito
Mga buhay natin ay paralisado
Daming nagsasarang establisemento
At lalong darami ang walang trabaho!
Batid nating lahat hirap na ang bansa
Dahil sa maraming makain ay wala;
At kung tayong lahat ay pabigla-bigla
Sa masamang layon lalo pang kawawa!
Paano ngang ito’y hindi mangyayari
Tayong mamamaya’y lalong maaapi;
Dahil rebolusyon mithi nang marami
Sa usok ng digma’y magdadalamhati
Dahil sa mapusok na mga damdamin
Tiyak g’yera sibil ating daranasin;
Sariling gobyerno ang kakalabani’t
Babaha ng dugo sa baya’t bukirin!
Kung magsasagupa ang dalawang panig –
Tayong mga Pinoy ang maliligalig;
Sundalo’t sibilyan kapag nagkalapit –
Buhay ng marami tiyak mapapatid!
Kahi’t anong sama ng ating gobyerno
May pag-asa pa rin tayong Pilipino;
Kaya ang rebelyon sa panahong ito
Huwag nang isipi’t tumahimik tayo!
Sa eleks’yon na lang tayo’y makiisa
Ang piliin nati’y may mabuting diwa –
Ang puso ay ginto’t ang tanging adhika –
Tayo’y lumigaya’t bansa’y sumagana!