SA ginanap na 1st Dr. Benito Reyes Memorial Lecture on “Ethics in Politics” sa PLM kamakailan, naibahagi ni dating Senate President Jovito Salonga ang kanyang karanasan sa filing ng Statement of Contributions and Expenditures matapos ang Presidential Elections ng 1992. Maaalalang si Sen, Salonga ay pumang-lima kina FVR, Miriam, Danding, at Mitra. Pang-anim si Imelda at 7th si Doy Laurel. Nagulat si Salonga nang malaman na ang kanyang ginastos ay mas malaki pa sa dineklara ni Imelda. Ang implikasyon ni Senator Salonga ay habang tunay ang deklarasyon ng kanyang ginastos, ang iba’y nagsinungaling sa kanilang mga statement.
Ang pagtapat sa publiko ng Statement of Contributions and Expenditures sa kampanya ng isang kandidato ay bahagi ng reporma ng ating election laws. Alam ng lahat na ang kampanya ay paraan upang ipaabot sa publiko ang iyong kandidatura at plataporma. Siyempre, hindi ito magagawa nang walang gastos. Diskumpiyado naman ang tao na ang mga paniwalang pulitikal ng kandi dato ay naimpluwensyahan na ng pera. Sobra nang dungis ng reputasyon ng halalan sa ating bansa na kinailangan ang mga ganitong “public disclosure laws” upang masinagan ang mga pangyayaring nagaganap sa dilim.
Malaki ang maitutulong nito upang: (1) malaman natin kung sinu-sino ang nasa likod ng kandidatura; (2) labanan ang corruption dahil sa paglantad ng mga nagdonasyon na agad paghihinalaan kung bigyan ng pabor; at (3) ma-rekord ng mabuti ang impormasyong kailangan ng batas nang madali rin itong ma-check kung nasunod nga o hindi.
Sa ganitong background kailangang basahin ang pinakahuling kontrobersyang kinasangkutan ni Vice President Noli de Castro ukol sa kanyang Statement of Contributions at Expenditures sa 2004 Vice Presidential Elections. Bilang sagot ni Vice sa paratang na financier niya si Celso de los Angeles ng Legacy Group, inamin niya na supporter ito noong 2004 campaign at nagbigay lang daw ng tarpaulin streamers. Subalit nang kinonsulta ng ABS-CBN ang kanyang Statement, wala naman siyang dineklarang ganoong donasyon. Round 2 na ito ni Vice pagdating sa Statement of Contributions and Expenditures. Noong takbo niya sa Senado sa taong 2001, P32.4 million ang deklaradong gastos pero P3.9 million lang ang dineklarang kontribusyon. Ibig sabihi’y sarili niyang gastos ang halos P 28.5 million na balanse, bagay na hindi naman maipaliwanag batay sa kanyang Statement of Assets and Liabilities.
Ang gulong kinasasangkutan ngayon ni Vice President De Castro ay patunay lang na may pakinabang din ang election reform laws sa hangaring mabalik ang dangal sa ating electoral process.