FIRE Prevention Month ngayong Marso. Ito rin ang buwan kung kelan tumitiba ang mga tiwaling opisyales ng Bureau of Fire Protection. Ito kasi ang buwan ng pagpipilit nila sa mga may-ari ng gusali na bumili ng bagong fire extinguishers o kaya mag-refill ng chemicals mula sa mga pinapaborang suppliers. Kung hindi sumunod ang mga opisina, malls, eskuwelahan, ospital, at iba pa, hindi sila bibigyan ng clearance ng BFD. At kung walang clearance, hindi maaring gamitin ang mga gusali at pati business permit ay maari makansela.
Siyempre pa, kumukumisyon ang mga tiwaling BFP officials sa bawat pagbabayad bago o refilled fire extinguisher. Ahente sila kumbaga ng mga kasing-tiwaling nagbebenta o nagse-service ng fire extinguishers.
Matagal na ang raket na ito. Maraming may-ari o administrador ng gusali na hindi alam ang alituntunin: Bawal mag-ahente ang mga bumbero ng fire extinguishers o laman nito. Ang trabaho lang nila, bukod sa pumatay ng sunog at magligtas sa mga biktima, at magturo ng pag-iwas sa sakuna at mag-inspeksiyon ng fire protection ng mga gusali.
Kung alam man ng may-ari o administrador na bawal ang ginagawa ng mga tiwaling opisyales, pumapayag na rin sila. Sumusunod na lang sila sa ilegal na utos na bumili o magpa-refill sa mga piling kompanya. Ito’y para makaiwas sila sa gulo o sa galit ng bumbero.
Pero ito ang masaklap. Dahil kailangan pang magparte ng komisyon ang mga tiwaling dealers sa tiwaling opisyales, ginagawa nilang substandard ang produkto para makatipid. Kung tutuusin, wala halos bisa ang mga chemicals nila. Mabibilang sa daliri ng isang kamay ang mga fire extinguishers na nakapasa sa pagsusuri ng Bureau of Product Standards. At iisa lang sa kanila ang napatunayang puro ang sangkap ng Philippine Institute of Pure and Applied Chemistry sa Ateneo University.
Kataka-taka rin kung bakit isang taon lang ang bisa ng chemicals na ginagamit. Malinaw na ito’y para taun-taon din rumaket ang mga salbaheng bumbero at fire extinguisher dealers.